Mga BOK kamusta kayo? Napuyat ba kayo sa laban ni Pacquiao kontra kay Mario Barrios? Aba’y ako, hindi lang napuyat—napasigaw pa sa telebisyon! Pero teka, ‘wag muna tayong masyadong emosyonal… tabla daw ang laban. Tabla!
Tabla nga ba talaga, BOK? O tabla na may halong kirot at kilig?
Oo na, hindi niya nasungkit ang WBC welterweight title. Pero kung puso, tapang, at pangalan ang pag-uusapan, aba’y wagi pa rin si Pacman! Kahit 46 years old na at apat na taon nang hindi sumasampa sa ring, sumabay sa mas batang Barrios. Iskor? 114-114, 114-114, at 115-113. Majority draw. Kung baga sa basketball, overtime—pero walang rematch (pa).
Pero eto ang nakakatawa, BOK—ang dami ang napakamot sa ulo pagkatapos ng laban! Bakit kamo? Eh ‘di dahil sa pustahan! Ang dami-daming tumaya, sigurado na raw panalo si Pacquiao. May mga nagbitaw pa ng “Sure win ‘to, pre!” Pero pagdating ng desisyon… ayun, kamot-ulo gang. May kilala pa nga akong nagsabing, “Sa susunod, kay Canelo na lang ako tataya.” Ay wow, biglang liko!
Pero kahit ‘ganun, ibang level pa rin si Pacman. Sa kabila ng pagkakakapos sa scorecards, kumabig pa rin ng $12 million o halos ₱685 milyon. At ‘di pa kasama diyan ang kikitain niya mula sa pay-per-view cut na aabot pa raw ng $6 million. Grabe, BOK! Panalo pa rin… sa kita!
Pero ang mas mahalaga, hindi lang ito laban para sa pera. Sabi nga ni Pacman:
“I’m not fighting for money. I’m here to preserve my reputation and to write another page in history.”
At ayun na nga, nasulat na ang panibagong pahina. Kung baga sa libro ng boksing, isa na namang makapal at inspiradong kabanata ang nadagdag. Kaya kahit may mga napakamot sa ulo, kahit may mga nalugi sa pusta—lahat tayo, panalo pa rin sa inspirasyon.
Mga BOK, sa bawat suntok ni Pacman, dama pa rin natin ang puso ng isang tunay na mandirigmang Pilipino. Hindi lang siya lumalaban para sa sarili—dala niya ang bayan, ang dangal, at ang alaala ng isang simpleng lalaking dating nagbebenta ng pandesal, ngayo’y alamat na ng mundo.
At kung ito na nga ba ang huli? Ewan pa rin natin, BOK. Kasi sa pagkakakilala natin kay Pacman—hindi siya basta-basta bumibitaw. At tayo? Tuloy pa rin ang suporta. Pustahan tayo diyan. (Sandy Espeña)