URBAN POOR, DUMALO SA ORYENTASYON NG NEGO-KART LIVELIHOOD PROGRAM

CEBU CITY — Labingsiyam (19) na mga benepisyaryo mula sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu ang dumalo sa isinagawang oryentasyon, profiling, at write shop para sa Nego-Kart Livelihood Package noong Mayo 19 sa conference room ng PCUP-Field Operations Division for Visayas.

Ang aktibidad ay bahagi ng programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na layuning maghatid ng kabuhayan sa mga miyembro ng urban poor communities. Ito ay isinulong ni PCUP Commissioner Reynaldo P. Galupo sa pamamagitan ng Livelihood Forum upang tulungan ang mga maralita sa pag-angat ng kanilang pamumuhay.

Ang mga kalahok sa naturang aktibidad ay kinilalang unang batch ng mga benepisyaryo sa ilalim ng programang Nego-Kart na ipinatutupad ng DOLE, sa pamumuno ni Regional Director Atty. Roy L. Buenafe. Isandaang (100) Nego-Kart Livelihood Packages ang nakatakdang ipamahagi sa mga kuwalipikadong miyembro ng PCUP-accredited urban poor organizations (UPOs).

Pinangunahan nina DOLE Senior Labor and Employment Officer Mr. Macbeth Montecillo, kasama sina Ms. Mary Joyce Ouano at Ms. Jdee Sanchez, ang nasabing oryentasyon.

Ayon sa DOLE, ang pormal na paggawad ng mga Nego-Kart ay nakatakdang simulan sa buwan ng Hunyo at magpapatuloy buwan-buwan hanggang Nobyembre para sa natitirang limang grupo ng mga benepisyaryo mula sa Talisay City, Cebu, Bohol Province, at Dumaguete City, Negros Oriental.

Samantala, tiniyak ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pamumuno ni Chairperson at CEO Meynardo A. Sabili ang patuloy na pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masigurong matulungan ang mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa ng gobyerno.(Latigo Reportorial Team)

Spread the love

KABATAAN NGAYON MAY PAG-ASA SA RA.12199

JAD RACAL TO THE RESCUE