UNANG 1,000 ARAW – SUSI SA MATIBAY NA KINABUKASAN

ANG BATA AY BIYAYA MULA SA DIYOS.”

Madalas natin itong marinig, ngunit gaano nga ba natin pinahahalagahan ang panahong pinakamahalaga sa kanilang buhay?

Sa isinagawang Leaders Training ng Children’s First 1000 Days Coalition (CFDC), muling ipinaalala ni Ret. Chief Justice Reynato Puno na ang pangangalaga sa unang 1,000 araw ng isang bata ay hindi lamang usaping pangkalusugan, kundi isang moral na tungkulin. Kung nais nating masiguro ang maliwanag na bukas para sa bansa, kailangang magsimula tayo sa tamang pag-aalaga sa pinakapundasyon ng ating lipunan—ang mga bata.

Ibinahagi ng dating senador at CFDC President Joey Lina na ang unang 1,000 araw—mula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang kaarawan ng bata—ang tinatawag na golden window. Sa panahong ito nahuhubog ang pisikal, mental at emosyonal na kapasidad ng isang bata. Kung mabibigyan sila ng sapat na nutrisyon at wastong pangangalaga, maiiwasan ang pagkapandak, mababawasan ang kahinaan sa pag-aaral at magkakaroon sila ng mas mataas na kakayahang maging produktibo paglaki. Ngunit kung mapapabayaan, paulit-ulit na mauulit ang siklo ng malnutrisyon sa bawat henerasyon, na magdudulot ng mabigat na pasanin sa hinaharap.

Hindi lamang ang pagbubuntis ang dapat na pinagtutuunan ng pansin. Ayon kay Dr. Marcie Atienza ng St. Luke’s Medical Center College of Medicine, mahalaga rin ang panahong kasunod ng panganganak. Ang tamang pag-aalaga sa ina at sanggol sa yugtong ito ay kritikal upang maiwasan ang malnutrisyon at iba pang komplikasyon. Kasama rito ang maagap na pagpapasuso, patuloy na pagbibigay ng gatas ng ina hanggang dalawang taon, paglalapit ng damdamin ng ina at anak sa pamamagitan ng skin-to-skin bonding, at pagbibigay ng kinakailangang bakuna at bitamina. Binanggit ni Dr. Atienza na anumang kakulangan sa paglaki ng bata sa panahong ito ay maaaring hindi na mabawi sa hinaharap, kaya’t bawat araw ay mahalaga.

Binigyang-diin naman ni Queenie Wapericua ng National Nutrition Council na ang kalusugan ng ina ay susi rin sa kalusugan ng anak. Kinakailangan ang regular na prenatal check-up, sapat na bitamina at mineral, tamang pagkain at paghahanda sa ligtas na panganganak. Kapag malusog ang ina, malusog ang magiging anak. Isa itong simpleng katotohanan ngunit may napakalaking epekto sa hinaharap ng ating bansa.

Ang malinaw na mensahe ng mga dalubhasa: walang batang dapat magutom o mabansot kung may malasakit at pagkakaisa. Panawagan nila sa lahat—mula sa mga organisasyon at simbahan hanggang sa mga lokal na pamahalaan at bawat isa sa atin—na magtulungan upang labanan ang malnutrisyon. Kailangang sama-samang magbigay kaalaman, magtaguyod ng tamang nutrisyon at magsanib-puwersa para sa kinabukasan ng kabataan.

Ang unang 1,000 araw ay maihahalintulad sa pagtatayo ng pundasyon ng isang bahay. Kapag mahina ang pundasyon, babagsak ang anumang ganda ng disenyo. Ngunit kung matibay ang simula, mas magiging matatag ang kabuuan. Nasa ating mga kamay ang kinabukasan ng susunod na henerasyon..(DJ Gealone)

Spread the love

LATIGO AUGUST 18-24, 2025

NBI DIRECTOR JAIME SANTIAGO, NAGBITIW SA PWESTO

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"