TOTAL BAN SA ONLINE SUGAL, ISINUSULONG NI MIGZ ZUBIRI!

Pare, usap tayo. Napansin mo ba kung gaano na kalaganap ang online sugal ngayon? Isang pindot lang sa cellphone o computer, may pustahan na agad—mula sabong online hanggang casino games na akala mo’y video game lang. Pero hindi ito simpleng laro. Para kay Senador Migz Zubiri, isa itong “silent epidemic” na unti-unting sumisira lalo na sa kabataan natin.

Sa Kapihan sa Senado noong Lunes, July 7, 2025, derechahan niyang sinabi: gusto niyang ipagbawal na ang lahat ng uri ng online gambling dito sa Pilipinas. Oo, parekoy, TOTAL BAN talaga ang gusto niya, kaya nga naghain siya ng Senate Bill No. 142, na tatawaging Anti-Online Gambling Act.

Sabi ni Zubiri, hindi lang matatanda ang naaadik sa sugal ngayon—mas nakakabahala raw ang pagkalulong ng kabataan. Eh kasi naman, kahit sinong may internet at smartphone, may access na agad sa mga sugalan. “Social cancer” nga ang tawag niya dito—‘yung tipong hindi mo agad napapansin, pero unti-unti nang nilalamon ang lipunan.

At hindi lang basta pagbabawal, parekoy—may kalakip pa itong mga mabibigat na parusa. May multa, kulong, at pananagutin din ang mga internet service providers, mobile networks, at digital platforms na papayag o hindi babara sa sugal online. Hindi lang ‘yung mananaya at operator ang kakasuhan, kundi pati ‘yung mga platform kung saan umiikot ang sugal.

Pero teka, hindi lang ito ang inatupag ni Zubiri. Kasama rin sa unang sampung panukalang batas niya ang dagdag sahod—oo, P100 dagdag araw-araw! May panukala rin siya para sa Department of Disaster Resilience, National Land Use Act, National Water Resources Management Act, at iba pa. Nais din niyang paigtingin ang batas para sa Coast Guard, barangay health workers, at mga barangay sa kabuuan.

Pero balik tayo sa online sugal, parekoy. Magandang pag-isipan ito. Sa dami ng nalululong, sa dami ng pamilyang nasisira dahil sa pagkabaon sa utang dulot ng sugal, baka nga kailangan na talagang tapusin ang ganitong bisyo. Lalo na kung mga bata pa lang ay natututo nang pumusta.

Kaya ikaw, ako, tayong lahat—tanong natin sa sarili: kailangan ba natin ng ganitong klase ng libangan kung kapalit ay buhay, kinabukasan, at pamilya? Kung oo, eh di laban. Pero kung hindi, baka panahon na para suportahan ang ganitong panukala. (DJ Gealone)

HANDA NA ANG KAPULISAN SA SONA!

MSRP TUGON NG PAMAHALAAN SA MGA CONSUMERS..

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"