BATANGAS — Isang nakakabahalang ulat ang muling lumutang kaugnay ng talamak na operasyon ng online sabong sa lalawigan ng Batangas, kung saan sangkot umano ang dalawang kilalang personalidad na sina alyas Aries Alvarez at alyas John Capinpin.
Ayon sa impormasyong ipinarating sa ating tanggapan, ang online sabong ng nasabing mga indibidwal ay sinasabing may koneksyon sa kaso ng 34 na nawawalang sabungero noong 2021—isang isyung hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.
Sa kabila ng matinding kontrobersiya, patuloy pa rin umano ang operasyon ng mga online sabungan sa Batangas. Sa kasalukuyan, halos lahat ng sabungan sa lalawigan ay umano’y de-makina na o idinadaan sa online platforms, na taliwas sa ipinagbabawal na aktibidad ng pamahalaan.
Bagama’t malinaw na patuloy ang operasyon ng mga iligal na online sabong na ito, mistula`y walang ginagawang hakbang ang mga opisyal na dapat ay nangunguna sa pagpapatigil nito. Kinukwestiyon ang pananahimik at kawalan ng aksyon nina PCOL Geovanny Sibalo, ang Provincial Director ng Batangas, at ni PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng Police Regional Office 4A (PRO 4A).
Dahil dito, ang pahayagang ito ay nananawagan na agarang aksiyunan at sugpuin ang mga iligal na online sabongna ito sa lalawigan at papanagutin ang mga nasa likod nito. Hindi umano dapat ipagsawalang-bahala ang posibilidad na konektado ang mga operasyon ng sabungan sa mga nawawalang sabungero—isang krimen na hanggang ngayon ay naghahanap ng hustisya.
Hinihikayat din natin sina DOJ Secretary Crispin Remulla at DILG Secretary na magsagawa ng imbestigasyon, aksyunan ang mga iligal na aktibidad, at ipatupad ang batas nang walang kinikilingan. Ang pananahimik ay maaaring maghatid ng mas matinding kapahamakan sa mga inosenteng mamamayan.
Malinaw ang kautusan ni Pangulong Marcos na dapat kayo ay sumunod sa batas dahil siguradong mananagot kayo sa Pangulo.
Hindi katanggap-tanggap na sa kabila ng pambansang direktiba na ipasara at ipatigil ang lahat ng uri ng online sabong, ay may mga lokal na opisyal at pulis na mistulang bulag at pipi sa harap ng mga iligal na operasyon.
Ang patuloy na paglaganap ng online sabong sa Batangas ay hindi lamang pagsuway sa batas, kundi isa ring hamon sa awtoridad ng Pangulo at ng buong pamahalaan. (Latigo Reportorial Team)