MAYNILA — Nakabili ang Social Security System (SSS) ng P500 milyong halaga ng shares mula sa listed real estate developer na Century Properties Group, Inc. (CPG) sa pamamagitan ng isang block sale transaction, ayon sa regulatory filing ng kompanya nitong Huwebes.
Binili ng SSS ang humigit-kumulang 740.74 milyong shares ng CPG sa presyong P0.675 kada share.
Ang CPG ay kilala sa pagbebenta at pagpapaunlad ng mga mid- at high-rise condominiums, mga single-detached homes, pati na rin sa pag-le-lease ng retail at office spaces at property management services.
Sa pamamagitan ng subsidiary nitong PHirst Park Homes, Inc., plano ng kompanya na maglunsad ng nasa 10 bagong proyekto sa susunod na dalawang taon. Kabilang dito ang kauna-unahang development ng PHirst sa Mindanao, na inaasahang sisimulan sa ikatlong quarter ng taon.
“The next five years will see continued growth and sustained launches from PHirst, highlighting our vision of becoming a leading enabler of first-time home buyers in the country,” ayon kay CPG President at CEO Jose Marco Antonio sa isinagawang annual stockholders’ meeting ng kompanya noong nakaraang buwan.
Dagdag naman ni PHirst President Ricky M. Celis, nakatakdang magbukas ng anim hanggang walong bagong proyekto ang PHirst sa taong 2025 sa iba’t ibang brand na sasakop sa humigit-kumulang 100 ektarya ng lupa.
Tinatayang mahigit 10,000 units ang ilalabas sa mga proyektong ito na may kabuuang halaga ng bentahan na P25 bilyon.
Sa unang tatlong buwan ng taon, nagtala ang CPG ng 16% pagtaas sa netong kita na umabot sa P473 milyon. Lumago rin ng 4% ang kanilang consolidated revenue na umabot sa P3.72 bilyon. Sa halagang ito, P2.24 bilyon o 60% ay galing sa PHirst.
Nanatiling pareho sa P0.71 ang presyo ng shares ng CPG sa pagtatapos ng kalakalan nitong Huwebes. (Grace Batuigas)