BINONDO, MAYNILA — Anim na katao, kabilang ang tatlong Chinese national, ang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng umano’y substandard at walang kaukulang clearance na mga cellphone at tablet sa isang operasyon sa Binondo, Maynila noong Hulyo 5, 2025.
Ayon sa ulat na nakarating kay PBGEN Romeo J. Macapaz, Acting Director ng CIDG, isinagawa ng CIDG Anti-Organized Crime Unit (AOCU), sa koordinasyon ng National Telecommunications Commission (NTC), ang operasyon sa Alvaro Street, Binondo, na nagresulta sa pagkakaaresto sa anim na suspek. Kinilala ang mga dayuhang sina Hong, Yanchun, at Zhong, habang sina Erica, Ashley, at Annie naman ang mga Pilipinong sangkot.
Nakumpiska sa mga suspek ang kabuuang 37 yunit ng iPhone at 263 yunit ng iPad na may tinatayang halaga na P3.5 milyon. Ayon sa awtoridad, ang mga gadget na ito ay ibinebenta nang walang kaukulang clearance mula sa NTC at Department of Trade and Industry (DTI), na malinaw na paglabag sa batas.
Binigyang-diin ni PBGEN Macapaz ang kahalagahan ng pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili. “Bahagi ito ng patuloy naming kampanya laban sa substandard at counterfeit electronics na hindi lamang banta sa kaligtasan ng publiko, kundi pati na rin sa intellectual property at trade standards,” aniya.
Pinuri rin ni Macapaz ang mabilis at maagap na aksyon ng AOCU sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief POLICE GENERAL Nicolas D. Torre III, na tumutok sa tatlong haligi ng pamumuno: mabilis, matapat, at responsableng serbisyo.
Nanawagan ang CIDG sa publiko na ipagbigay-alam agad sa kanilang tanggapan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga lugar. “Hindi kami mag-aatubiling kumilos sa anumang uri ng krimen. We are CIDG, we will act on the difficult task immediately,” pahayag ni Macapaz.
Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG at mahaharap sa mga kasong paglabag sa consumer protection laws at regulasyon ng NTC at DTI. (Latigo Reportorial Team)