CEBU CITY — Naging makabuluhan at makulay ang isinagawang Capability Building Training (CBT) ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa lungsod ng Cebu noong Abril 10, 2025. Sa pangunguna ng PCUP – Field Operations Division for Visayas (PCUP-FODV), katuwang ang ilang law firms at educational institutions, itinampok ng pitumpung (70) lider-maralita ang kanilang malikhaing interpretasyon sa temang karapatang pangkasarian at katarungang panlipunan.
Gamit ang sining bilang midyum, lumikha ang mga kalahok ng iba’t ibang likhang-sining gaya ng paintings, drawings, at oil pastel artworks. Sa bawat piraso, masisilayan ang matitinding damdamin, paninindigan, at karanasan ng mga kalahok hinggil sa diskriminasyon, karahasan, at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Tinalakay rin sa naturang aktibidad ang mga mahahalagang batas tulad ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, at Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Layunin nitong bigyang-kaalaman ang mga lider mula sa maralitang sektor hinggil sa kanilang mga karapatan at legal na proteksyon.
Ayon kay PCUP Chairperson at CEO, Hon. Meynardo A. Sabili, “Sa training na ito, nakita ko kung gaano ka-makapangyarihan ang sining bilang paraan ng pagpapahayag. Sa bawat obra ng ating mga lider-maralita, ramdam ko ang tapang, kwento, at paninindigan para sa karapatan, pagkakapantay-pantay, at ligtas na komunidad.”
Ipinahayag rin ng PCUP na isa ito sa mga hakbang ng Komisyon upang isulong ang pantay-pantay na oportunidad para sa lahat ng kasarian, lalo na para sa mga kababaihang mula sa sektor ng maralita.
Ang tagumpay ng aktibidad ay patunay na ang sining ay isang mabisang kasangkapan sa paghubog ng kamalayan, pagbibigay-lakas sa komunidad, at pagtutulak ng positibong pagbabago sa lipunan.. (Latigo Reportorial Team)
