MALOLOS, BULACAN – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, matagumpay na isinagawa ang seminar na nakatuon sa Safe Spaces Act at Magna Carta for Women noong ika-12 ng Marso sa Regional Evacuation Center, Malolos. Ang nasabing seminar ay inorganisa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Opisyal na binuksan ni CSWDO Department Head, Mrs. Lolita SP. Santos, RSW, ang programa sa pamamagitan ng mainit na pagbati sa mga kalahok at pagpapahayag ng kahalagahan ng nasabing seminar sa pangangalaga sa karapatan ng kababaihan.
Pinangunahan ni Atty. Russell M. Respicio, OIC Public Attorney III mula sa Public Attorney’s Office, ang talakayan ukol sa Safe Spaces Act o RA 11313 (Bawal Bastos Law). Ipinaliwanag niya ang layunin ng batas na labanan ang gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar, paaralan, at lugar ng trabaho. Binigyang-diin niya na ang bawat isa ay nararapat na magkaroon ng ligtas na kapaligiran—sa publiko man, pribadong lugar, tahanan, paaralan, o saan mang dako.
Sa ikalawang bahagi ng seminar, tinalakay naman ni Gng. Josephine G. Lopez, RSW, ang RA 9710 o Magna Carta for Women. Ipinaabot niya ang kahalagahan ng batas sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagkilala sa mga karapatang pambabae. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagkakaroon ng patas na lipunan upang mas ganap na makibahagi ang kababaihan sa pag-unlad ng bansa.
Lubos na pinuri ng mga dumalo si Atty. Christian Natividad, Punong Lungsod ng Malolos, sa kanyang walang sawang pagsuporta at pangunguna sa mga programang naglalayong palakasin ang kamalayan sa karapatan at kaligtasan ng kababaihan. Ayon sa ilang kalahok, ang pamumuno ni Mayor Natividad ay tunay na inspirasyon sa patuloy na pagpapalakas ng sektor ng kababaihan at pangangalaga sa kanilang kapakanan.
Dumalo sa mahalagang gawain ang mga miyembro ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC), mga Daycare Workers, at CSWDO Staff. Nasa pagtitipon din sina Sds. Leilani Samson Cunanan (School Division Superintendent/Member), Ms. Marianne DC. Mendoza (PESO Manager/Member), Hon. Rian Maclyn L. Dela Cruz (SK Federation President/Member), at iba pang kinatawan ng mga opisyal mula sa Lokal na Pamahalaan ng Malolos.
Ang ganitong mga seminar ay mahalagang hakbang upang palakasin ang kamalayan at kaalaman ng publiko sa pangangalaga sa karapatan at kaligtasan ng mga kababaihan—isang adbokasiyang aktibong sinusuportahan at isinusulong ni Mayor Christian Natividad. (Latigo Reportorial Team)