RESULTA NG HALALAN 2025, MABABA ANG TIWALA NG TAUMBAYAN!

Hay nako! Parang sirang plaka na lang lagi ang naririnig natin tuwing eleksyon — “mandaraya, may anomalya, may dayaan.” Pero sa Halalan 2025, tila umabot na talaga sa sukdulan ang pangamba ng taumbayan. Sa dami ng isyung lumutang, parang ang hirap na talagang maniwala na “free and fair” pa ang halalan natin.
Una sa lahat, usap-usapan ngayon ang mga anomalya sa Automated Counting Machine (ACM). Ayon sa ilang mga botante, nagulat daw sila nang lumabas sa resibo ang pangalan ng kandidatong HINDI naman nila ibinoto. Aba, paano nangyari ’yon? Eh resibo na nga ‘yon, ebidensya ng boto mo — tapos mali pa? Kaloka, ‘di ba?
At hindi pa ‘yan ang katapusan. Isang halimbawa ng kahina-hinalang pagbaba ng boto ay kay Congressman Toto Mangudadatu. Mula raw sa 133,908 na boto, bigla raw itong bumaba sa 119,921. Aba, kahit pa sabihin mong wala nang dagdag-boto na darating, bakit bigla na lang may bawas? Eh dapat kung wala nang papasok na boto, manatili na lang sa 133,908! Ano ‘to, magic?
Mas lalo pang nakakabahala ang rebelasyong lumabas tungkol sa ginamit na ACM system version 3.5.0, na taliwas sa audited version 3.4.0 na sinertipikahan ng COMELEC. Ayon kay Harold Respicio, hindi ito ang sistemang pinayagang gamitin — so ibig sabihin, may itinanim na update o system na hindi dumaan sa tamang auditing? Paano natin masisiguro na hindi ito na-manipula?
At ‘eto pa, kung hindi pa sapat ang lahat ng ’yan, eh may mga kandidato pang hindi mo halos narinig sa kampanya, pero nanalo pa ng landslide. Gulat na lang ang lahat, parang himala! ‘Yung mga malalakas at suportado ng masa, aba’t tila tinambakan pa ng di-kilalang kandidato. Tanong tuloy ng madla: tunay nga bang boses ng bayan ang lumabas sa resulta?
Nakakalungkot. Paulit-ulit na lang ang kwento ng kawalan ng tiwala sa sistema. Kaya’t heto ang aking simpleng suhestiyon:
Panahon na para umaksyon! Panahon na para gawing real-time ang bilangan — gaya ng inaasahan sa makabagong panahon. Kung kaya naman ng ibang bansa ang ganitong sistema, bakit hindi natin magawa?
Hindi sapat na sabihin lang na “malinis ang halalan.” Kailangan makita at maramdaman ng mga tao ang linis at katotohanan.
Dahil kung tuwing eleksyon eh duda pa rin ang tao, baka sa susunod, wala nang gustong bumoto. At kapag nawalan na ng boses ang mamamayan — sinong panalo sa dulo? (DJ Gealone)

Spread the love

PAGTANGGAL SA K-12 PROGRAM, FAKE NEWS – DEPED

MGA VOTING CENTERS NA MAY PINAKAMARAMING BOTANTE!