Napansin mo ba kung gaano kabilis kumalat ang impormasyon ngayon? Isang post lang sa Facebook o TikTok, libo-libong tao agad ang naaabot — minsan kahit hindi pa totoo ang laman. Dito pumapasok ang malaking tanong: may pananagutan ba ang mga content creator sa mga sinasabi nila online?
Kamakailan, sa isang pagdinig sa Kongreso tungkol sa fake news at online disinformation, muling iginiit ng Presidential Communications Office (PCO) ang halaga ng katotohanan at pananagutan. Ayon kay Secretary Jay Ruiz ng PCO, inaanyayahan nila ang mga digital content creator na maging katuwang sa nation-building. Hindi lang basta tagapaglibang o tagapagsalita — kundi tunay na partner ng bayan sa pagpapalaganap ng tama, makabuluhan, at makabayang impormasyon.
Maganda ang paalalang ito lalo na sa panahon ngayon na parang may kanya-kanyang katotohanan ang mga tao base sa feed nila. Ang daming content na gawa-gawa, edited, o may halong paninira. Masama ang epekto — hindi lang sa mga taong napapaniwala, kundi pati sa tiwala ng publiko sa gobyerno, sa media, at sa isa’t isa.
Hindi biro ang epekto ng fake news. Ilang beses na ba tayong nag-away sa social media dahil lang sa maling impormasyon? Ilang pagkakaibigan na ba ang nasira? Ilang maling desisyon na ang nagawa ng mga tao dahil naniwala sa sabi-sabi?
Kaya naman sabi ni Secretary Ruiz, suportado ng PCO ang pagbuo ng batas laban sa fake news — katulad ng ginagawa sa ibang bansa gaya ng European Union at Singapore. May mga existing na silang batas para pigilan ang pagkalat ng maling impormasyon, at umaasa ang PCO na magkaroon din tayo ng katulad na proteksyon dito sa Pilipinas.
Pero habang wala pa ang batas na ‘yan, tanong ngayon: anong puwede nating gawin?
Kung content creator ka — may YouTube channel, may podcast, o kahit simpleng page lang sa Facebook — malaki ang papel mo. Bago ka mag-post, magtanong ka muna: totoo ba ‘to? Makakatulong ba ito o baka makasira pa? Minsan kasi, sa kagustuhan nating mag-viral o mag-trending, nakakalimutan nating may epekto ang bawat salitang binibitawan natin online.
At kahit ordinaryong netizen lang tayo, may papel din tayo. Hindi kailangang sikat para maging responsable. Bawat share, bawat comment, bawat like — may bigat ‘yan. Dahil sa mga ganitong simpleng bagay, nakakatulong tayo sa pagkalat ng totoo, o kaya — sa kasamaang palad — sa pagkalat ng kasinungalingan.
Ang panawagan ng PCO ay malinaw: Magsimula tayo sa katotohanan. Maging responsable tayo sa ating komunikasyon. At higit sa lahat, piliin nating maging makabayan sa panahon ng impormasyon — hindi bilang tagapagdala ng gulo, kundi tagapagtanggol ng tama.
Sa panahon ng fake news, ang pagiging totoo ang pinaka-radikal at makabayang bagay na maaari nating gawin. (Grace Batuigas)