PCOL Albacea, Walang aksiyon?
QUEZON PROVINCE – Lalong umiinit ang isyu ng talamak na operasyon ng illegal gambling sa lalawigan matapos na mas marami pang residente, lokal na opisyal, at civic groups ang lumantad upang isiwalat ang umano’y patuloy na pagkunsinti ng ilang matataas na opisyal ng pulisya.
Matapos ang naunang ulat hinggil sa diumano’y lingguhang “tara” na kinokolekta ni Alyas Sgt. Kimura, mas marami pang boses ang nagpatunay sa lawak ng operasyon ng mga pasugalan. Ayon sa mga nagrereklamo, hindi na palihim ang pagkilos ng iligal na sugal, kundi hayagang nagaganap kahit malapit mismo sa mga himpilan ng pulisya.
Sinasabing ang dahilan ng matibay na operasyon ng mga pasugalan ay ang “proteksyon” na ibinibigay ng mga nasa posisyon, partikular kay PCOL Romulo Albacea, Provincial Director ng Quezon PNP. Sa halip na matigil, patuloy pang lumalawak ang saklaw ng mga pasugalan, habang patuloy ring lumalakas ang tinig ng mga mamamayan na nananawagan ng aksyon.
Isang community leader ang naghayag: “Kung hindi kikilos ang regional director, parang binibigyang-lisensya na rin ang mga pasugalan para patuloy na mag-operate. Hindi lang ito usapin ng batas, usapin din ito ng moralidad at kapakanan ng mga mamamayan.”
Dahil dito, muling umapela ang mga taga-Quezon kay PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng CALABARZON PNP, na personal na aksyunan ang reklamo. Ayon sa kanila, kailangan ng masusing imbestigasyon at malinis na solusyon upang hindi na tuluyang lamunin ng illegal gambling ang lalawigan.
Sa ngayon, patuloy ang pahayagang ito na nagbubukas ng espasyo para marinig ang panig nina PCOL Albacea at PBGEN Wanky, upang mabigyang-linaw ang isyu at magkaroon ng patas na pagdinig.
Habang hindi pa natutugunan ang mga hinaing, lalong tumitindi ang panawagan ng publiko: agarang imbestigasyon, pananagutan ng mga sangkot, at tuluyang pagsugpo sa pasugalan na sumisira sa kaayusan at moralidad ng Quezon Province. (Latigo Reportorial Team)




