PANGASINAN – Makalipas ang isang linggo mula nang lumabas ang pagkalampag natin tungkol sa malawakang operasyon ng iligal na mga pasugalan sa Pangasinan, nananatiling mistulang walang aksyon mula sa mga opisyal na dapat sanang naglalagay ng batas sa kaayusan.
Sa kabila ng patuloy na walang humpay na panawagan ng mamamayan, tila nagbibingi-bingihan pa rin sina Regional Director PBGEN Lou Evangelista at Provincial Director PCOL Rollyfer Capoquian. Ang kanilang pananahimik ay nag-iiwan ng pagdududa sa kanilang kakayahan kung sila ba ay walang kapangyarihang pigilan ang lumalalang ilegal na aktibidad? O sadyang may mga interes silang pinoprotektahan?
Nakababahala ang impormasyong natanggap ng pahayagang ito mula sa mga residente. Sa halip na humina ang operasyon ng ilegal na sugalan, lalo pa itong lumakas. Ayon sa mga ulat, lalong naging lantaran ang mga pasugalan, na animo’y hindi natitinag at walang takot sa batas.
Tulad na lang sa mga lugar katulad ng San Fabian, San Jacinto, Manaoag, Calasiao, Bautista, Malasiqui, Rosales, Brgy. Anolid, Brgy. Gueguesangen, Brgy. Talogtog, at Mangaldan na tahasang inoopereyt ni Roland Ibasan.
Sa Binmaley, sina Rene at Robin Ibasan ang siyang magkatuwang sa pamamalakad ng mga walang harimunang operasyon ng iligal gambling sa nasabing Bayan.
Ganyan din ang sitwasyon sa Basista, Alcala, at Mapandan, tila wala ng sindak na dumadaloy sa operator na si Rene Ibasan dahil ayon dito diumano eh protektado naman siya ni PCOL Capoquian at PBGEN Lou Evangelista
Samantala, sa Tayug at San Manuel, si Alyas Boss Tutoy umano ang namamayagpag na operator ng iligal na pasugalan.
Sa Brgy. Perez, Dagupan, magkaribal umano sina Alyas Lando at Ardee Ibasan, habang sa Brgy. Maasin, si Gary Ibasan ang itinuturong nagpapatakbo ng sugalan. Sa Brgy. David, si Alyas Apak naman umano ang may kontrol sa mga iligal na operasyon.
Kung susumahin eh tila halos lahat na ata ng bayan ay may operasyon ng rampant illegal gambling. Ngunit sa kabila ng mga reklamo at lantarang mga operasyon na ito, wala pa ring ginagawang hakbang ang kapulisan upang matigil ang mga naturang gawain.
Ayon sa isang source, “Hindi lang hindi tumigil, mas lalo pang lumawak! Parang ipinapakita nilang walang makakapigil sa kanila.”
Ang kawalan ng konkretong aksyon mula sa mga awtoridad ay nagdudulot ng matinding galit sa mga mamamayan. Ang tanong ng marami ay baka “may natatangap kayong lingguhang payola? O kung wala silang tinatanggap na suhol, bakit tila wala silang ginagawa? Hindi mahirap matunton ang mga iligal na pasugalan, lalo na’t nakalatag na ang mga pangalan ng mga operator at mga lokasyon nito.
Dagdag pa ng isang nagrereklamong residente, “Kung simpleng mamamayan nga alam kung saan ang sugalan, paano pa kaya ang mga pulis na may kapangyarihan? Wala talagang rason para hindi kumilos, maliban na lang kung may kasunduan na sila sa mga nagpapalakad.”
Sa patuloy na pagkakaila at pagpapabaya ng mga lokal na opisyal ng PNP, marami ang nananawagan kay PNP Chief General Francisco Marbil at DILG Secretary Jonvic Remulla na makialam sa usaping ito. Hindi maaring magpatuloy ang ganitong sistema ng pagbubulag-bulagan habang patuloy na nilalabag ang batas sa harap mismo ng mga tagapagtanggol nito.
“Kapag hindi pa rin kumilos ang mga kinauukulan, maaaring iparating natin ito mismo sa Malacañang. Kung hindi sa kanila manggagaling ang pagbabago, saan pa?” ayon sa isang grupo ng concerned citizens.
Patuloy na maninindigan ang pahayagang ito sa pagbibigay ng makabuluhan at makatotohanang ulat para sa kapakanan ng publiko. Nananatili kaming bukas sa panig ng PNP Pangasinan, PBGEN Lou Evangelista, at PCOL Rollyfer Capoquian, kung nais nilang sagutin ang mga paratang at ipaliwanag ang kanilang panig. Abangan ang susunod na ulat… (Latigo Reportorial Team)
