PROBLEMA SA SCATTER, SINO BA TALAGA ANG DAPAT SISIHIN?

Ka-Buddy, may bago na namang isyu na kailangang himayin. Ayon sa Malacañang, mahigit 7,000 illegal online gambling sites na may larong “Scatter” ang naipasara na. Yes, 7,000! At habang patuloy ang operasyon ng PAGCOR at DICT para habulin ang mga online casino na ito na pabalik-balik lang sa pagpapalit ng pangalan (parang ex mong ayaw magpakatotoo), may mga pahayag ang gobyerno na tila mas nakakasakit pa kaysa nakakatulong.

Ayon kay Malacañang Spokesperson Claire Castro, ang mga simpleng Pilipino raw ang may kasalanan sa pagkalat ng online gambling dahil gumon daw sila rito. May dagdag pa — kung ginagamit lang daw natin ang ating utak, “hindi na tayo poproblemahin ng pamahalaan.” Wait lang, Ka-Buddy… teka muna. Ano raw?

Let’s pause here.

Saan ba nagsimula ang problema? Dito sa simpleng mamamayan na umaasa sa Scatter na baka sakaling pumaldo at makaahon sa hirap, o sa sistemang nagkukunsinti at tila nagpapalusot sa mga operator ng sugalan online? Hindi ba’t ang gobyerno ang may kapangyarihan at responsibilidad para supilin ang mga ganitong klaseng bisyo? Pero bakit parang sa huli, ang sisi ay sa mga pobreng umaasa?

Totoo, mali ang malulong sa sugal. Hindi ito ang solusyon sa kahirapan. Pero Ka-Buddy, hindi natin puwedeng i-dismiss na maraming kababayan ang nadadala sa ganitong gimik dahil desperado. May pamilya silang pinapakain. May mga anak silang pinapaaral. At kung sa isang pindot ng cellphone ay may pag-asa silang manalo — kahit alam nilang maliit ang tsansa — tataya sila. Hindi dahil bobo sila, kundi dahil desperado.

Tapos, imbes na unawain, sisisihin?

Isa pa, kung talagang ayaw ng pamahalaan sa online gambling, bakit andiyan pa rin ang mga legal na licensed e-casinos? Hindi ba’t may buwis silang binabayaran? Hindi ba’t kumikita ang estado mula sa kanila? So sino ngayon ang “gumagamit ng utak”? Ang mamamayan ba na nangarap lang makaahon, o ang sistemang naniningil ng tax sa bisyo at pagkatapos ay maninisi kapag lumala ang epekto nito?

Ang bottomline, Ka-Buddy hindi sapat na ipasara lang ang mga online gambling. Responsibilidad ng pamahalaan na unawain, bigyang suporta, at gabayan ang mga kababayan nating naliligaw ng landas — hindi ang pagbuntunan sila ng galit o insulto.

Trabaho ninyong maglingkod, hindi manghusga. At kung talagang gusto ninyong mawala ang sugal, huwag lang ang users ang habulin — durugin ang buong mga mapagsamantalang mga online gambling na iyan.

Yun lang, Ka-Buddy. Magsuri, magtanong, at huwag magpabiktima sa simpleng palusot.

Hanggang sa susunod na usapan. (DJ Gealone)

PRICE HIKE NA NAMAN SIS!

BUDOL NG MGA TAXI DRIVER SA NAIA, BUBUWAGIN, NG DOTR

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"