TAGUIG CITY — Lumahok ang Philippine National Police (PNP) sa partnership initiative ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasama ang iba’t ibang institusyon, kabilang ang Integrated Bar of the Philippines, sa isinagawang pagtitipon nitong Setyembre 23, 2025 sa Department of Energy (DOE) Energy Center, Bonifacio Global City.
Layunin ng pagtitipon na palakasin ang ugnayan ng mga institusyon para sa pagbabantay ng transparency at accountability sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan sa buong bansa.
Pinangunahan ni PNP Acting Chief, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang delegasyon ng PNP sa nasabing aktibidad. Ipinahayag niya ang buong suporta ng kapulisan sa misyon ng ICI na siyasatin ang katiwalian at iregularidad sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa mga flood control programs.
Kasama rin sa mga dumalo sina Deputy Chief for Operations, PLTGEN Edgar Alan O. Okubo; Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, PMGEN Robert Alexander A. Morico; at Police Security and Protection Group (PSPG) Director, PBGEN Benigno L. Guzman.
Ayon kay PLTGEN Nartatez, ang aktibong pakikilahok ng PNP ay patunay ng kanilang kahandaang makiisa sa iba pang institusyon upang isulong ang mabuting pamamahala at masiguro na ang mga proyektong imprastruktura ay tunay na makikinabang ang sambayanang Pilipino.(Latigo Reportorial Team)




