MANILA – Lumalakas ang ugong na si PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang magiging susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) sa nalalapit na pagreretiro ni PGEN Rommel Francisco Marbil sa Hunyo 7, 2025.
Si Nartatez, kasalukuyang Deputy Chief for Administration at ikalawang pinakamataas na opisyal sa hanay ng PNP, ang itinuturing na pinakamatunog sa mga posibleng kahalili ni Marbil. Kilala siya sa kanyang malawak na karanasan sa serbisyo, mula sa pagiging Intelligence and Investigation Officer ng Laguna Police Provincial Office, hanggang sa pagiging Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial Office.
Naging Regional Director din si Nartatez ng Police Regional Office 4A, at humawak ng ilang mahahalagang posisyon sa pambansang tanggapan tulad ng PNP Director for Intelligence, PNP Director for Comptrollership, at Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Isa siya sa mga pinakabinabantayang opisyal na miyembro ng prestihiyosong PMA “Tanglaw Diwa” Class of 1992, at nakatakdang magretiro sa Marso 2027.
Bagamat si Nartatez ang nangunguna sa mga espekulasyon, lumulutang din ang pangalan ni PMGEN Nicolas Torre III, kasalukuyang Chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at ni PLTGEN Edgar Alan Okubo, Chief Directorial Staff ng PNP.
Sa nalalapit na anunsyo ng Malacañang, inaasahan ng publiko at hanay ng kapulisan ang pagpili ng isang lider na may matatag na karanasan, integridad, at paninindigan para sa reporma at kapayapaan sa bansa. (Latigo Reportorial Team)
