BAGONG EMERGENCY 911 SYSTEM ILULUNSAD

MANILA — Mas pinaigting na serbisyo at mas mabilis na tugon sa oras ng pangangailangan ang inaasahang hatid ng bagong Unified Emergency 911 System na ilulunsad sa Agosto, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla. Sa kanyang pagbisita sa PNP Command Center sa Camp Crame, Quezon City, kasama si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, inilahad niya ang mga pagbabago at modernisasyon sa sistema ng pagtugon sa mga emerhensiya sa buong bansa.

Ang bagong sistema ay mag-uugnay sa lahat ng 911 hotline ng 34 na lungsod, kabilang na ang mga emergency hotline at CCTV feeds ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), upang mapabilis at mapahusay ang serbisyo.

Sa bagong sistema, mas mapapabilis ang tugon ng PNP at mas magiging de-kalidad ito,” ani Remulla. Dagdag pa niya, ang sistema ay isinaalang-alang ang wika ng bawat rehiyon, kabilang na ang Ilocano, Kapampangan, Tagalog, Bicolano, Waray, Bisaya, at Tausug, upang mas epektibong maihatid ang tulong sa mga nangangailangan.

Ang PHP1.41 bilyong proyekto ay nai-bid na noong Hulyo 6 sa lokal na information technology company na ePLDT, at kasalukuyang nasa proseso ng post-qualification.

Binigyang-diin ni Remulla na mananatiling operational ang kasalukuyang mga hotline ng LGUs bilang alternatibong dispatch centers, sakaling kailanganin.

Upang mas mapalakas pa ang kakayahan ng pulisya sa pagtugon, tiniyak din ni Remulla na madaragdagan ang kanilang mobility assets — may mahigit 1,000 motorsiklo at 1,000 sasakyan ang ilalaan para sa PNP.

Samantala, sa kanyang presentasyon sa command center, ipinakita ni Gen. Torre ang kahandaan at husay ng PNP sa pagsagot sa mga insidente gamit ang makabagong teknolohiya. Kabilang dito ang real-time maps, live monitoring systems, at mga GPS-integrated tools na nagbibigay ng agarang impormasyon sa mga insidente habang nagaganap.

Ayon kay Gen. Torre, hindi na kailangang maghanap ng pulis sa kalsada, dahil ang bagong sistema ay may kakayahang magbigay ng tulong saan man, kailan man. Ipinagmamalaki rin ng heneral ang kanilang “5-minute response time policy” bilang patunay ng epektibo at maagap na serbisyo ng PNP.

“ Handa ang PNP. Sa bawat segundo, bawat minuto, kami ay narito para sa taumbayan,” mariing pahayag ni Gen. Torre. (Latigo Reportorial Team)

BAGONG YUGTO NG BULACAN, PORMAL NANG BINUKSAN

ILIGAL ONLINE SABONG SA BATANGAS, TALAMAK!

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"