Ilang dekada nang problema ng Pilipinas ang baha. Sa tuwing may bagyo o malakas na ulan, milyun-milyong Pilipino ang apektado—nalulubog ang mga tahanan, napipinsala ang kabuhayan, at nalalagay sa peligro ang buhay. Ang mas masakit, tila hindi nauubusan ng pondo ang gobyerno para rito, ngunit hanggang ngayon, walang nakikitang malinaw na resulta ang taongbayan.
Kamakailan, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang listahan ng 15 kontratistang “namamayani” sa mahigit 10,000 flood control projects sa bansa. Kapansin-pansin na iilan lamang ang nakakuha ng libu-libong kontrata, na nagkakahalaga ng daang bilyong piso. Ngunit ayon mismo kina Pasig City Mayor Vico Sotto at Iloilo City Mayor Raisa Treñas, marami sa mga proyektong ito ay palpak, hindi gumagana, o mas masahol pa—hindi man lang naipatayo.
Kung totoo ang mga alegasyon, malinaw itong anyo ng katiwalian at kapabayaan. Hindi ba’t mas malaking kasalanan ang magnakaw ng pondo sa ilalim ng kalamidad? Ang mga flood control projects ay hindi luho; ito ay pangangailangan para sa kaligtasan ng mamamayan. Ang bawat proyektong hindi natapos o depektibo ay hindi lamang pagnanakaw ng pera, kundi pagnanakaw ng buhay at kinabukasan.
Dapat lang na magsagawa ng malalim at patas na imbestigasyon. Hindi sapat ang pahayag ng Pangulo na “disturbing” ang kanyang natuklasan. Kung talagang seryoso ang administrasyon, panagutin dapat ang mga kontratista at mga opisyal na nakinabang sa anomalya. At kung may kaukulang ebidensya, kasuhan at ipatigil ang pagbibigay sa kanila ng mga bagong kontrata.
Isang mahalagang punto: tila hindi nagkakahiwalay ang negosyo at politika. May mga kontratista umanong direktang konektado sa mga pulitiko—mga mambabatas at lokal na lider—na may impluwensya sa badyet. Kung ganoon, paano aasahan ang tunay na reporma kung ang mga gumagawa ng batas mismo ang nakikinabang?
Tama si Senador Panfilo Lacson nang sabihing halos kalahati ng P2 trilyong flood control funds mula 2011 ang posibleng nasayang. Ang tanong: hanggang kailan magbabayad ang taumbayan ng buwis para sa mga proyektong hindi naman nakakapigil ng baha?
Panahon na para wakasan ang kultura ng “flood control projects” bilang gatasan ng iilang makapangyarihan. Kung hindi ito mapuputol, mananatiling ganito ang eksena: bawat bagyo, baha ang problema, pero sa bawat badyet, may yumayaman.
Ang bayan ay sawa na sa palusot. Ang kailangan ay malinaw na pananagutan—hindi lamang para mapigil ang baha, kundi para mapigil ang pag-apaw ng katiwalian.. (Latigo Reportorial Team)




