PCUP NAGLUNSAD NG PAGSASANAY SA TAMANG PANANALAPI SA BOHOL

TUBIGON, BOHOL — Bilang bahagi ng layunin ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na palakasin ang kaalaman ng mga maralitang tagalungsod pagdating sa wastong pamamahala ng pananalapi, inilunsad ng Field Operations Division for Visayas (FODV) ang Capability Building Program ukol sa Community-Managed Savings and Credit Initiatives (COMSCA) noong ika-21 ng Mayo 2025 sa MPDC Conference Room, Tubigon Municipal Building.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang 23 opisyal mula sa pitong urban poor organizations, kabilang ang Mahayahay Urban Settlers Association (MUSA), Bilang-bilangan Island Neighborhood Association (BILINA), Batasan Island Housing Association (BIHA), Isla Mocaboc Neighborhood Association (IMNA), Guiwanon Informal Settlers Association (GISA), Isla Pangapasan Settlers Association (IPSA), at Bagongbanwa Island Settlers Association (BAGISA).

Pinangunahan nina PCUP Area Coordinators Mr. Jonathan Palma at Ms. Amabelle Canlas ang pagsasanay na nakatuon sa kasaysayan, mekanismo, at kahalagahan ng COMSCA bilang instrumento sa pagtataguyod ng pinansyal na kasarinlan sa mga komunidad. Ibinahagi rin nila ang mga kwento ng tagumpay mula sa ibang organisasyong matagumpay nang naipatupad ang programang ito.

Isa sa mga naging tampok ng aktibidad ay ang pagbubuo ng Tubigon Isles and Mainland COMSCA (TIMCOMSCA). Sa prosesong ito, nagtulungan ang mga kinatawan ng bawat samahan upang magtalaga ng pamunuan, maghalal ng mga opisyal, at magsagawa ng konsultasyon para sa pagbuo ng kanilang by-laws at panuntunan.

Ayon sa PCUP, ang COMSCA ay hindi lamang isang sistema ng ipon at pautang kundi isang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad na pamahalaan ang sariling yaman at magtagumpay sa kabila ng hamon ng kahirapan.

Ang inisyatibong ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno na bigyang-kapangyarihan ang mga maralita sa pamamagitan ng edukasyon sa pananalapi at sama-samang pagkilos tungo sa kaunlaran.

Samantala, kinilala at opisyal na binigyan ng akreditasyon ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang dalawampu’t isang samahan ng maralitang lungsod mula sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu.

Ang nasabing pagkilala ay bunga ng masigasig na pagtutulungan ng mga organisasyong ito upang mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga komunidad at mas maging aktibo sa pagharap sa mga isyung panlipunan.

Sa mensahe ni Ms. Chloe Manlosa – Osano, Chief of Operations ng PCUP Field Operations Division for Visayas, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng simpleng mga hakbang na may makabuluhang resulta. “Hindi kailangang malaki agad. Basta may saysay at makakatulong, malaking bagay na,” aniya.

Ibinahagi rin ni Mr. Ramil Tiu, pangulo ng Granada Victorious Homeowners Association (HOA), ang kanyang karanasan bilang bahagi ng programa. Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng PCUP sa kanilang organisasyon. “Lagi kaming ginagabayan ng PCUP. Ang tanging maibabalik lang naming ay ipakita ang pagbabago sa aming lugar,” wika ni Tiu.

Hindi lamang pagkilala ang layunin ng seremonyang ito, kundi isa rin itong paalala na ang bawat samahan ay may mahalagang gampanin sa paghubog ng mas matibay, maayos, at makataong pamayanan.

Ang akreditasyon ay inaasahang magbibigay ng mas malawak na pagkakataon para sa mga organisasyon na makibahagi sa mga proyektong pangkaunlaran at maging boses ng mga maralita sa Metro Cebu. (Latigo Reportorial Team)

P2000 ELECTRICITY BILL SUBSIDY, ISUSULONG NI CONG. PAOLO MARCOLETA

BULACAN, PORMAL NA INILUNSAD ANG PAGDIRIWANG NG PHILIPPINE ENVIRONMENT MONTH

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"