LUNGSOD NG MAYNILA — Mariing pinabulaanan ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson at CEO Meynardo A. Sabili ang mga alegasyong ipinakalat ni Ginoong Ramon “Mon” Tulfo sa social media, kaugnay sa umano’y panghihimasok niya sa isang kasong demolition na kasalukuyang inaaral ng kanilang ahensya.
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas noong Marso 31, 2025, nilinaw ni Sabili na walang katotohanan ang mga paratang ni Tulfo, na sinasabing siya ay may personal na interes sa kasong Intercon Fund Resource Inc. vs. Marliou Abalos, Rodel B. Edoria, at iba pa. Ayon kay Tulfo, nakuha umano niya ang mga impormasyon mula kay Ginang Evelyn Cruz, kinatawan ng Intercon Fund Resource na sinasabing may-ari ng lupa.
Ngunit ayon kay Sabili, nakausap na niya nang personal si Ginang Cruz at pinabulaanan nito ang mga pahayag ni Tulfo. Ayon kay Cruz, siya ay lumapit lamang kay Tulfo upang humingi ng tulong at linaw hinggil sa pagkaantala ng demolisyon ng kanilang kaso sa PCUP, at mariing itinanggi na binanggit niya ang pagkakaroon ng interes ni Sabili sa nasabing lupa. Handa rin umano si Ginang Cruz na magbigay ng karagdagang paglilinaw ukol sa usapin.
Binigyang-diin ni Sabili na ang mga paratang na nais bilhin ng PCUP ang naturang lupa ay ganap na walang basehan. Aniya, walang kakayahan ang PCUP na bumili ng anumang ari-arian dahil wala itong inilaang budget o kapangyarihan para sa ganitong uri ng transaksyon. Dagdag pa rito, itinanggi rin niyang siya ay may personal na interes sa nasabing lupa, at binanggit na sa kabila ng sinasabi ni Tulfo na may hawak siyang mga dokumento at ebidensya, wala naman itong naipakitang anumang konkretong patunay na mag-uugnay kay Sabili sa nasabing pag-aari.
Ipinaliwanag pa ng PCUP Chief na ang dahilan ng pagkaantala sa pag-usad ng kaso ay dahil tinitiyak nilang maririnig ang lahat ng panig, lalo na ng mga pamilyang maapektuhan ng demolisyon.
Ayaw umano nilang magmadali sa proseso dahil maaaring may mga karapatan na malalabag kung ito ay ipipilit. Aniya, mahalaga na makapanayam at matulungan muna ang bawat pamilyang maapektuhan upang masiguro na hindi sila maiiwan sa gitna ng proseso.
Bukod dito, ipinaalala rin ni Sabili na ang kaso ay kasalukuyang nakabinbin sa Court of Appeals. Dahil dito, hindi pa maaaring maisakatuparan ang demolisyon hangga’t wala pang pinal na desisyon mula sa korte. Sa halip, mas pinili ng kanyang tanggapan na tiyaking ang mga maralitang maaapektuhan ay mapapalooban ng tamang tulong at proteksyon mula sa pamahalaan.
Sa kabila ng mga akusasyong ito, nananatiling bukas ang PCUP sa sinumang nagnanais na humingi ng tulong o linaw.
Nananawagan din si Sabili sa mga tao na tiyakin muna ang katotohanan ng kanilang mga pahayag upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng pagkalito sa publiko.
“Patuloy ang serbisyo ng PCUP, para sa Pilipinas, para sa Diyos,” pagtatapos niya. (Latigo Reportorial Team)
