LIPA, BATANGAS – Patuloy sa pagbibigay ng suporta sa mga nangangailangan ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pakikipagtulungan ng MCKS Caring Heart Foundation matapos mamahagi ng mga wheelchair at quad cane para sa mga residente ng Lipa na may kapansanan.
Pinangunahan ng mga kinatawan ng PCUP Special Concerns Unit na sina Ms. Rosemarie B. Makimkim, Ms. Rosalie Manlapaz, at Ms. Eunice Teodoro, kasama sina MCKS Caring Heart Foundation President Ms. Catherine Choa Chuy at Program Manager Ms. Donna Bigcas, ang pamamahagi ng nasabing kagamitan. Ang inisyatibang ito ay naglalayong mapagaan ang buhay ng mga indibidwal na may kahirapan sa paggalaw, lalo na ang mga senior citizen.
Lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa natanggap nilang tulong, na malaking ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Pinuri rin nila ang PCUP sa pagsisilbing tulay upang mailapit ang mga serbisyong tulad nito mula sa mga non-government organizations (NGOs) tulad ng MCKS Caring Heart Foundation.
Samantala, ipinahayag ni PCUP Chairperson & CEO, Hon. Meynard A. Sabili, ang patuloy na pagtupad ng Komisyon sa mandato nito—ang maging ugnayan ng pamahalaan at mga pribadong sektor sa pagbibigay ng tulong sa mga maralitang Pilipino. Tiniyak niya na lalo pang paiigtingin ng PCUP ang mga programang mag-aangat sa kalidad ng buhay ng mga nangangailangan.
Ang inisyatibang ito ay patunay na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno at mga pribadong institusyon, mas maraming Pilipino ang matutulungan at mabibigyan ng pagkakataong mamuhay nang mas magaan at may dignidad. (Latigo Reportorial Team)
