BATANGAS – Matapos ang matapang na panawagan ng Latigo Newspaper Nationwide kina PBGEN. JACK WANKY, Regional Director ng PRO4A, at PCOL GEOVANNY SIBALO, Provincial Director ng Batangas Police Provincial Office, nananatiling tahimik ang dalawang opisyal kaugnay ng patuloy na operasyon ng iligal na online sabong sa lalawigan ng Batangas.
Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal na itinakda ng Executive Order No. 9 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy pa rin ang operasyon ng e-sabong sa ilang bayan ng Batangas tulad ng San Pascual, Bauan, at Batangas City. Ayon sa mga ulat, lantaran at palipat-lipat ang mga operasyon, at tila wala ni isang hakbangin mula sa mga awtoridad upang ito’y tuluyang masugpo.
Sa gitna ng paglaganap ng iligal na e-sabong, lalong nagdududa ang sambayanan kung bakit tila hindi ito natutugunan ng mga otoridad? May mga protektor bang nasa likod ng operasyon? May mga opisyal bang nakikinabang kaya nananatiling silang tikom at nagbubulagan ? Hindi natin alam.
Mariing ipinag-uutos ng EO No. 9 ang tuluyang pagpapatigil ng e-sabong sa anumang uri ng plataporma. Tungkulin ng Philippine National Police, Department of the Interior and Local Government, at ng PAGCOR na ipatupad ito. Subalit sa Batangas, tila patay-sindi ang batas, at mas buhay pa ang operasyon ng sugal.
Sinasabing ang mga pangunahing nasa likod ng e-sabong sa lalawigan ay sina ALYAS ALVAREZ AT ALYAS RET. GEN. ABU, na patuloy umanong nakakapagpatakbo ng kanilang ilegal na negosyo nang walang pangambang mahuli. Kung ganito ang kalakaran, ano pa ang aasahan ng taumbayan?
Nananawagan kami sa tanggapan nina PBGEN. Wanky at PCOL Sibalo na opatupad ang batas at panagutan ang inyong sinumpaang tungkulin, at aksiyunan ang hinaing ng mamamayan.
Ang inyong pagsasawalang bahala ay nagbibigay ng malawakang pagdududa ng publiko na baka kayo mismo ay may kaugnayan, direkta man o hindi, sa operasyon ng e-sabong. Hindi natin alam pero kapag kayo po ay hindi umaksiyon ay talagang maghihinala ang mga Batangeño.
Hindi titigil ang Latigo Newspaper Nationwide hangga’t hindi ninyo po ito inaaksyunan. Bukas po ang aming tanggapan upang madinig ng ating kababayan ang inyong panig PBGEN. JACK WANKY, Regional Director ng PRO4A, at PCOL GEOVANNY SIBALO. Hihintayin po namin iyan.
Abangan sa susnod na isyu.. (Latigo Reportorial Team)