BATANGAS — Habang mainit ang panahon ngayong Abril, mas mainit pa yata ang usok ang mga illegal gambling sa lalawigan ng Batangas — at mas nakakapasong isipin na tila walang nakakaramdam sa mga dapat sanang unang kumikilos.
Sa kabila ng sunod-sunod na ulat, reklamo, at sigaw ng taumbayan, nananatiling tahimik sina Provincial Director PCOL Jacinto Malinao Jr. at CIDG Laguna PFU PLTCOL Jake Barila. Hindi natin maintindihan kung bakit, ngunit ang tahimik ay kadalasang may ibig sabihin.
Ayon sa matibay na impormasyon mula sa mga lokal at dating operatiba, patuloy ang pag-ikot ng salapi sa mga pasugalan sa San Pascual, San Juan, Balayan, at Lipa. Binanggit ang mga pangalang Tessie Korea na may kontrol sa Bite Batangas, at si Jovelle sa Buhay na Sapa, San Juan. Hindi rin naglalaho ang mga sugalan sa Brgy. Lanatan, Balayan at Brgy. Tambo, Lipa.
Ang mas matindi, isang alyas Alex umano — na sinasabing bagman nina PD Malinao at PLTCOL Barila — ang nangongolekta ng lingguhang “hatag” mula sa mga operator. Hindi lang basta kolekta, kundi “triple sa triple” pa raw ang hinihingi. Kung totoo ito, hindi lang ito kaso ng kapabayaan — ito’y hayagang pag-abuso sa kapangyarihan.
Pati mismong mga operator ng iligal na sugal ay nagrereklamo na sa laki ng hinihingi ni Alex. Ang sabi-sabi pa, “direkta kay PD ang hatag.” Kung ganyan na ang sistema, sino pa ang dapat protektahan ng kapulisan — ang batas o ang sariling bulsa?
Hindi rin nawawala sa eksena ang tinaguriang “BIG 4” — sina Alyas Ana Tomboy, Alyas Gary ng Brgy. Sampaguita, Alyas Kap Ronald ng Brgy. Sabang, at Alyas Kap Randy ng Brgy. Sulok. Kasama rin sina Icaro G. at Macoy ng Poblacion na aktibong pinapaikot ang iligal na operasyon sa lalawigan.
Kahit na lantad na ang mga pangalan, lugar, at sistema, tila bulag at pipi pa rin ang mga otoridad. Kaya’t direkta ang panawagan ng mga Batangueño: Sampulan ninyo ang mga iligalista! Kung hindi, baka tuluyan nang mabura ang natitirang tiwala ng taumbayan sa inyong mga opisina.
Mga Kernel, galaw-galaw naman po. Hindi habambuhay ay kayang tiisin ng bayan ang pagiging inutil ng mga pinagkakatiwalaan nila.
Ito po ay hindi pagtatapos ng kuwento. Sa susunod, mas hihigpit pa ang pagbabantay ng mamamayan.
Bantay-sarado kayo, mga ginoo. (Latigo Reportorial Team)
