CALABARZON — Sa kabila ng mga ulat, reklamo, at lantaran umanong operasyon ng iligal na sugal sa mga lungsod ng Laguna at Batangas, nananatiling walang kilos at pahayag sina PCOL Ricardo Dalmacia ng Laguna PNP at PCOL Jacinto Malinao ng Batangas PNP. Sa halip na tugisin ang mga operator, tila mas pinipiling manahimik ng dalawang opisyal habang patuloy ang malawakang aktibidad ng sugalan sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa Laguna, hayagang nag-ooperate sa ilalim ng mga peryahan sa mga lungsod ng Santa Rosa, Biñan, Cabuyao, at San Pedro ang mga sugal tulad ng “color game” at “drop ball baraha.” Ayon sa mga sumbong ng mamamayan, ang mga alyas Judith, Baby P., Edu, Elmer, at Rommel ang pangunahing nagpapatakbo ng mga sugalang ito. Malakas umano ang koneksyon ng mga ito sa ilang opisyal ng pulisya, kaya’t nananatiling untouchable.
Samantala, sa Batangas naman ay mas lumalawak ang operasyon ng mga alyas Jayson Tomboy, Jovel, Sheryl, Annie, at Yolly sa mga bayan ng San Pascual, San Juan, Balayan, Lipa, at Malvar. Ayon sa mga residente, gabi-gabing may hindi bababa sa 10 mesa ng sugal sa bawat peryahan, kung saan bukas ang pintuan sa lahat, kahit pa sa mga menor de edad na nagtutulak ng kapirasong barya para sa inaakalang suwerte.
Hindi umano nagkukulang sa impormasyon ang mga pulis. Sa halip, malinaw ang pananahimik at pagkikibit-balikat nina PCOL Dalmacia at PCOL Malinao sa kabila ng paulit-ulit na sumbong mula sa mga mamamayan. Sa mata ng publiko, mistulang nabubulagan ang mga hepe ng kapulisan habang nagkakagulangan at nagkakabasaan ng pera sa ilalim ng kanilang mismong hurisdiksyon.
May mga ulat rin na ang ilang barangay at lokal na opisyal ay bahagi ng sistemang “tara” o lingguhang bayad ng mga operator, dahilan upang tuluyang mabalewala ang batas na PD 1602, na malinaw na nagbabawal sa ganitong klase ng sugal.
Giit ng mga residente, hindi na sila umaasang aaksyon ang mga lokal na pulis. Kaya’t ang kanilang panawagan ay direktang ipinaabot sa pambansang pamahalaan upang alisin sa puwesto at imbestigahan sina PCOL Dalmacia at PCOL Malinao na umano’y nagpapabaya at posibleng may basbas sa operasyon ng mga iligalista.
“Habang ang taumbayan ay naghihirap, ang mga operator ay nagpapakasasa sa kita ng sugal, at ang mga opisyal ay tahimik. Hanggang kailan kami magbubulag-bulagan?” – sigaw ng isang residente mula sa Batangas.
Patuloy ang panawagan ng mamamayan sa tanggapan ni PBGEN LUCAS na aksyunan at panahon na upang panagutin ang mga nagbubulag-bulagang mga opisyal ng kapulisan maging ang mga iligalistang araw-araw sumisira sa buhay ng mga taga BATANGAS at LAGUNA. (Latigo Reportorial Team)