PAMPANGA – Kailangan nang umaksyon ni PBGEN PONCE ROGELIO PEÑONES JR laban sa patuloy na operasyon ng mga nagkalat na e-sabong katulad ng “Global Cockfighting Live” at iba pang online sabong sa Gitnang Luzon.
Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal, tila lantaran pa rin ang pagkilos ng mga ito sa iba’t ibang farm sa rehiyon.
Kaya’t marapat lamang na paigtingin ni PBGEN PONCE ROGELIO PEÑONES JR ang kanyang kampanya laban sa e-sabong, at utusan ang mga Provincial Director na huwag nang magbulag-bulagan. Sa ganitong klaseng usapin, hindi sapat ang pagiging observant—kailangan ay may malinaw at mabilis na aksyon.
Paalala po, malinaw ang Executive Order No. 9 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbabawal sa anumang online o remote na pagtaya sa sabong. Ipinag-uutos din nito ang pakikipagtulungan ng PNP at DILG upang dakpin ang mga lumalabag. Anumang kabiguan sa pagpapatupad nito ay tila pagbalewala na rin sa kautusan ng mismong pangulo.
Kung hindi agad kikilos ang mga awtoridad, baka tuluyan nang maging normal at tanggap ng lipunan ang e-sabong—isang bisyong nagnanakaw ng kinabukasan, sumisira ng pamilya, at nagpapalubog sa mga kababayan natin sa utang, krimen, at kahihiyan.
Huwag po nating kalimutan, hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang nakakamtan ang mga kaanak ng 30 nawawalang sabungero. Apat na taon na ang lumipas, ngunit nananatili silang mga pangalan sa listahan ng mga pinaghahanap, at mga larawang palaging tinatanong ng mga naiwan: Nasaan na sila?
Ang mga ganitong kaso ay hindi lang simpleng krimen—ito ay salamin ng isang sistemang kailangang ayusin. Kaya’t ang panawagan natin PBGEN PEÑONES, kumilos po kayo at paigtingin ang direktiba laban sa e-sabong. Huwag nating hayaan na mas lumaki pa ang problemang ito.
Bilang hepe ng Region 3, nasa inyong kamay ang kapalaran ng kampanya kontra e-sabong. Huwag po nating hayaang mapako ang KAPANGYARIHAN ng ating mga batas.
Abangan natin ang magiging aksiyon ni PBGEN PONCE ROGELIO PEÑONES JR sa susunod na isyu(Latigo Reportorial Team)