MANILA — Isang malaking hakbang ang ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos nitong hilingin sa lahat ng miyembro ng kanyang Gabinete na magsumite ng kanilang “courtesy resignation.” Kinumpirma ito ng Malacañang ngayong Huwebes, kasabay ng layunin ng administrasyon na magsagawa ng isang tinatawag na “bold reset.” Ayon sa Presidential Communications Office, layunin ng hakbang na ito na muling suriin ang performance ng bawat opisyal ng gobyerno at tiyakin na ang mga ito ay tunay na naka-align sa direksyon ng administrasyon, lalo na sa mabilis at epektibong paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Dahil dito, dagsa na ang mga opisyal na agad nagsumite ng kanilang resignation bilang pagtalima sa utos ng Pangulo. Kabilang sa mga nagbitiw na sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Education Secretary Sonny Angara, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., Finance Secretary Ralph Recto, Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, Energy Secretary Raphael Lotilla, Trade Secretary Ma. Cristina Roque, Transportation Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar, Interior Secretary Jonvic Remulla, Health Secretary Ted Herbosa, PCO Secretary Jay Ruiz, Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Tourism Secretary Christina Frasco, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, ICT Secretary Henry Rhoel Aguda, National Security Adviser Eduardo Año, PLLO Chief Mark Mendoza, PMS Secretary Elaine, CFO Secretary Dante Ang, OWWA Administrator PY Caunan, SAP for Investments Frederick Go, Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon, ARTA Director General Ernesto Perez, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, CEZA Chief Katrina Ponce Enrile, at Presidential Adviser on Peace Carlito Galvez Jr. Maging si Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. ay kabilang na rin sa mga nagbigay ng kanilang pagbibitiw.
Samantala, may ilang opisyal naman na hindi pa agad nakapagsumite ng kanilang courtesy resignation, ngunit nangakong susunod sa panawagan ng Pangulo. Kabilang dito sina Economy Planning Secretary Arsenio Balisacan, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Science and Technology Secretary Renato Solidum, Solicitor General Menardo Guevarra, MMDA Chairperson Don Artes, at TESDA Secretary Kiko Benitez.
Sa ngayon, hinihintay ng publiko kung sino ang mga mananatili sa puwesto at kung sino ang mapapalitan. Malinaw sa aksyong ito ni Pangulong Marcos Jr. na seryoso siya sa layuning ayusin, palakasin, at pabilisin ang galaw ng gobyerno. Tila isang bagong yugto nga ito para sa kanyang administrasyon—isang hakbang na inaasahang magdadala ng mas epektibong pamumuno at mas maayos na serbisyo para sa sambayanang Pilipino.(Mario Batuigas)