MANILA – Lumipad si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes, Agosto 4, para sa isang limang-araw na pagbisita sa India na layong palawakin ang kooperasyon sa isa sa pinakamabilis umunlad na ekonomiya sa Asya. Ang paglalakbay, na alinsunod sa imbitasyon ni Prime Minister Narendra Modi, ay hudyat din ng pagtatapos ng pagdiriwang ng ika-75 taon ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at India.
Ayon kay Marcos, matagal nang may matibay na ugnayan ang dalawang bansa, mula pa sa panahong bago dumating ang mga mananakop, at ito ay nakabatay sa magkatulad na pagpapahalaga sa demokrasya, kapayapaan, at batas sa karagatan. Tatalakayin sa pagbisita ang posibleng pagtutulungan sa larangan ng depensa, kalakalan, kalusugan, agrikultura, turismo, at digital connectivity. Kasama rin niyang bumisita ang isang delegasyon ng mga negosyante upang makipagpulong sa mga lider ng industriya, partikular sa Bengaluru, kilala bilang IT hub ng India. Inaasahan ng Pangulo na magbunga ito ng mas murang gamot, mas matatag na suplay ng pagkain, at mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino. Habang wala siya, si Executive Secretary Lucas Bersamin ang magsisilbing tagapangasiwa ng pamahalaan kasama sina Education Secretary Sonny Angara at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III. (Mario Batuigas)




