Quezon City – Maghahain ng panukalang batas si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo upang mabigyan ng pension ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang pagreretiro. Ayon kay Tulfo, itinuturing na “mga bagong bayani” ang mga OFW dahil sa kanilang malaking ambag sa ekonomiya, kaya’t marapat lamang na bigyan sila ng seguridad sa kanilang pagtanda. “Pero pag-tumanda na sila, naghihirap at umaasa na lang sa bigay ng mga anak. Ganyan ba ang dapat maranasan ng isang bayani?” tanong ng mambabatas, na kasalukuyang tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa sa Bagong Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng buwanang kontribusyon ang mga OFW sa kanilang pension fund, habang doble o triple naman ang magiging ambag ng gobyerno. Binanggit ni Tulfo na maraming OFWs, lalo na ang mga domestic helper, laborer, at driver, ang hindi nakakapag-ipon dahil sa kanilang mababang sahod at pag-priyoridad sa edukasyon ng mga anak at pagbili ng bahay. Ang naturang pension ay hiwalay pa sa benepisyong makukuha nila mula sa Social Security System (SSS) pagdating ng edad na 60.
(Amelia Espeña)
