Alam mo, noong una kong marinig ang balita tungkol sa mga nawawalang sabungero, inakala ko simpleng kaso lang ito ng pagkakautang o alitan sa sugal. Pero ngayon, iba na ang ihip ng hangin. May lumabas na testigo—isang “alias Totoy”—na nagsasabing patay na raw ang mga biktima at nasa dalawampung pulis ang sangkot sa krimen. Dalawampu, besh. Hindi biro ‘yan.
Dahil dito, umaksyon na si Pangulong Bongbong Marcos. Inutusan niya ang mga otoridad na palalimin pa ang imbestigasyon para matukoy kung sino talaga ang may sala. Hindi na pwede ang palusot o pagtakpan ang mga sangkot. Sabi nga ni Atty. Claire Castro ng Malacañang, dapat ay mapanagot ang dapat managot.
Ang tanong: seryoso ba talaga ang gobyerno? Sabi ni Atty. Castro, may tiwala raw ang Palasyo sa integridad ng mga korte. Kesyo rule of law, kesyo pantay-pantay ang lahat sa batas. Magandang pakinggan, oo. Pero bilang ordinaryong mamamayan, gusto ko rin makita sa gawa, hindi lang sa press briefing.
Ang Napolcom, nagsimula na raw mag-imbestiga. Sila mismo ang tumitingin sa mga pulis na sinasabing sangkot sa pagkawala ng mga sabungero. At suportado raw ito ng bagong PNP chief na si Gen. Nicolas Torre III. Ang Internal Affairs Service ng PNP, kasama rin daw sa imbestigasyon. Okay sana, pero sana hindi lang “for show.”
Doon sa kwento ni alias Totoy, wala pang malinaw na ebidensiya ang ibinabahagi niya sa publiko—pero kung totoo ngang may 20 pulis na sangkot, hindi ba dapat mas binibigyang bigat ito? Hindi naman ito chismis sa kanto, ‘no. Buhay ng tao ang pinag-uusapan. Kaya gusto rin naming marinig kung may hawak siyang pruweba, o kung may ibang testigo na pwedeng magsalita.
Ito ang problema sa sistema minsan—kapag ang mga nasa kapangyarihan na ang iniimbestigahan, parang ang bagal ng takbo ng hustisya. Kaya bilang mamamayang nanonood sa gilid, wala tayong ibang magagawa kundi magbantay, magtanong, at manindigan.
Hindi lang ito kwento ng ilegal na sabong. Isa itong repleksyon ng kung gaano natin pinahahalagahan ang karapatang pantao, hustisya, at integridad ng ating mga institusyon. Kung papalampasin ito, paano pa tayo makakatiyak sa seguridad natin?
Kaya ayan, kausap kita ngayon hindi lang bilang ka-chika, kundi bilang kapwa Pilipinong may pakialam. Kasi sa bandang huli, ang tanong ay hindi lang “Nasaan ang mga sabungero?” kundi “Nasaan ang hustisya?” (Grace Batuigas)




