PANGULO SA SILID-ARALAN – ISANG DI MALILIMUTANG ARAW SA EDSES

NGAYONG LUNES ng umaga, habang abala ang marami sa kanilang unang araw ng pasukan, isang napakabihirang bisita ang dumating sa Epifanio Delos Santos Elementary School (EDSES) sa Malate, Maynila — si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. mismo!

Oo, tama ang nabasa n’yo — si PBBM ay pumasok sa isang Grade 1 classroom, hindi para mag-inspeksyon lang, kundi para maki-learning session kasama ang mga chikiting! At hindi lang basta upo at obserba, ha. Humawak ng flashcards si Pangulo at sinubok ang kakayahan ng mga bata sa pagbasa ng mga salitang Filipino. Aliw na aliw ang mga estudyante habang kausap ang mismong pangulo ng bansa — at parang balik-bata rin si PBBM habang nagtuturo.

Kasama niya si bagong DepEd Secretary Sonny Angara, at ang kanilang layunin: tiyakin na maayos ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2025-2026. Pero higit pa sa inspeksyon, ang naging bisita ay tila isang paalala na hindi lang papel at lapis ang mahalaga sa paaralan — kundi malasakit at presensya.

Sa gitna ng aralin, hinayaan din ni PBBM na magtanong ang mga bata. Sabi nga natin, ito ang klase ng “inclusive environment” na tinutulak ngayon sa mga paaralan. Lahat may boses, lahat may karapatang makibahagi. Kahanga-hanga rin ang pakikisangkot ng pangulo — ipinakita niya na kahit nasa pinakamataas na posisyon, may panahon siya para makinig sa pinakamaliit.

Pagkatapos ng klase, naglibot pa sina Pangulo at Secretary Angara sa iba pang mga silid-aralan. Sineguro nila ang kaligtasan ng mga estudyante — may CCTV monitoring na raw ang buong school vicinity. Aba, hands-on talaga! Sabi pa ni PBBM, huwag daw mahiyang magsabi kung may pangangailangan ang paaralan. “Sabihan niyo lang kami, lalo na ang DepEd,” ani niya.

Nakakatuwang isipin na sa dami ng problema ng bansa, pinili ng pangulo na simulan ang linggo sa isang classroom, kasama ang mga batang punong-puno ng pag-asa. Siguro nga, ito ang dapat nating tandaan — ang edukasyon ay hindi lang responsibilidad ng guro, ng magulang, o ng estudyante. Ito ay responsibilidad nating lahat, lalo na ng pamahalaan.

At sa simpleng hakbang na ito — pagbisita sa isang silid-aralan — isang mensahe ang naipadama: ang bawat bata ay mahalaga. (Mario Batuigas)

Spread the love

TARLAC, PUGAD NG MGA NAGKALAT NA ILIGAL NA SUGALAN!

Leave a Reply