MANILA — Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na hindi inatasan ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III si fitness vlogger Rendon Labador upang pamunuan ang isang weight loss program para sa buong hanay ng kapulisan.
Ang nasabing programa ay isinagawa sa Camp Crame, Quezon City noong Hunyo 19, at pinangunahan ni Labador bilang bahagi ng isang aktibidad ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG). Ayon sa inilabas na memorandum noong Hunyo 21 ni Maj. Gen. Roderick Augustus Alba, hepe ng PNP Directorate for Police Community Relations, ang naturang aktibidad ay eksklusibo lamang para sa mga miyembro ng PCADG at hindi para sa buong PNP.
“Sa bagay na ito, inaatasan ang mga tauhan ng PNP na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Hindi awtorisado ng Chief PNP ang sinumang fitness instructor upang pangunahan ang isang weight loss program para sa buong PNP. Dapat ay mag-ingat ang mga social media officers sa pagbabahagi ng nilalaman upang maiwasan ang kalituhan,” saad sa memorandum.
Samantala, sa isang panayam sa media, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na wala siyang personal na kaalaman kung may opisyal na pagtalaga kay Labador bilang fitness coach ng organisasyon, ngunit bukas umano ang PNP sa sinumang nais tumulong upang maisakatuparan ang direktiba ni Gen. Torre na gawing mas malusog at pisikal na aktibo ang lahat ng pulis.
Matatandaang nagbabala si Gen. Torre na maaaring magkaroon ng “graceful exit” o maagang pagreretiro ang mga pulis na hindi makasusunod sa kanyang utos ukol sa pisikal na kahandaan.
Ayon naman kay Labador, boluntaryo niyang tinanggap ang panawagan ng PCADG upang pamunuan ang 93-araw na fitness program bilang pagtanaw ng utang na loob sa serbisyo ng kanyang amang dating pulis.