Mga sis, may magandang balita na naman tayong
natanggap pagdating sa pabahay!
Noong Mayo 29, opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12216, o mas kilala ngayon bilang “National Housing Authority Act.” At kung tatanungin n’yo ako, isang malaking hakbang ito para sa pangarap ng maraming Pilipinong magkaroon ng sariling tahanan!
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling, malaki ang pasasalamat niya sa Pangulo sa pagsasabatas ng RA 12216. Aba, e sino nga ba naman ang hindi matutuwa? Sa bagong batas na ito, mas pinalawak at pinalakas pa ang mandato ng National Housing Authority (NHA)—isa sa mga pangunahing ahensya na katuwang ng gobyerno pagdating sa pabahay.
At eto pa! Kasabay ng pagpapalakas sa NHA, in-extend pa ang corporate life nito ng dagdag na 25 taon, effective July 31, 2025. Sa totoo lang, kaunti na lang ay mag-e-expire na ang 50-year charter ng ahensya. Kaya sakto at napapanahon talaga ang batas na ito.
Ang pinaka-exciting dito? Kasama na ngayon sa 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ang mga horizontal developments—’yung mga single-detached o row houses, hindi lang puro condominium-style na matataas na gusali. Ibig sabihin, mas marami at mas flexible na ang options para sa mga pamilyang nangangailangan ng sariling bahay.
At hindi pa diyan nagtatapos. Sa ilalim ng RA 12216, magdadagdag din ng mga eksperto sa Board ng NHA—mga may alam sa housing, urban planning at development. Bukod diyan, imbes na isang Assistant General Manager lang, magiging tatlo na sila para mas mabilis at maayos ang pagpapatakbo ng mga programa.
Ang bottom line? Mas pinalawak, mas pinatatag, at mas pinabilis ang serbisyo para sa ating mga Pilipino.
Kaya sa mga kababayan nating nangangarap ng sariling bahay, aba’y wag mawalan ng pag-asa. Sa bagong batas na ito, tila ba mas maliwanag ang pag-asa para sa isang tahanang maayos, ligtas, at abot-kaya.
Hanggang sa susunod nating balitaan, mga sis. Tayo’y magkaisa at sumubaybay sa mga hakbang ng gobyerno para sa tunay na pabahay para sa Pilipino! (Grace Batuigas)