PABAHAY PARA SA LAHAT

Sa wakas, unti-unti nang nabibigyan ng katuparan ang matagal nang pangarap ng maraming Pilipino—ang magkaroon ng sariling tahanan. Sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inianunsiyo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na mas paiigtingin ang pagpapatupad ng mga pabahay sa National Capital Region (NCR), kung saan pinakamarami ang mga informal settler families (ISFs).
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, may malinaw na patunay na epektibo at gumagana ang 4PH, batay na rin sa mga na-turnover na yunit sa Palayan at Bacolod, at sa mga kasalukuyang naghahanda para sa distribusyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng San Mateo, Rizal; Pampanga; Davao City; at Misamis Oriental.
Isa itong hakbang na dapat purihin—ngunit hindi dapat ipagwalang-bahala. Dahil habang maganda sa papel at sa mga seremonya ang paglilipat ng susi, ang tunay na tagumpay ng 4PH ay nakasalalay hindi lamang sa dami ng bahay na maipapagawa kundi sa kalidad nito, sa kabuuang plano ng komunidad, at sa tibay ng pagkakapatupad ng proyekto.
Lalo na sa NCR, kung saan siksikan ang mga naninirahang walang kasiguraduhan sa lupang kanilang kinatitirikan, kailangang tiyakin ng pamahalaan na hindi lamang ito magiging isang malawakang relokasyon kundi isang transisyong may dignidad. Ang pagtutok sa mga “priority blighted areas” upang gawing sustainable township ay isang magandang simulain. Ngunit kailangang may kasamang partisipasyon ng mga residente, malinaw na plano sa kabuhayan, at komprehensibong serbisyo—mula edukasyon, kalusugan, transportasyon, hanggang seguridad.
Tama lamang na tutukan ang Metro Manila. Nagsimula na sa Caloocan, Manila, Quezon City, at San Juan. Nakipag-ugnayan na rin ang ilang lungsod tulad ng Pasig, Muntinlupa, at Marikina sa pamamagitan ng mga memorandum of understanding. Isa itong senyales ng pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan—na sana’y hindi mauwi sa papel lamang.
Subalit habang isinusulong ito, mahalaga ring maging mapagmatyag ang taumbayan. Dapat nating bantayan ang paggamit ng pondo, tiyakin ang integridad ng konstruksyon, at panagutin ang sinumang mapatutunayang nagsamantala sa programa. Sapagkat ang tahanan ay hindi lang bubong at pader—ito’y pundasyon ng dignidad ng bawat Pilipino.
Sa panahon ng mahal na araw, nang inspeksyunin ni Secretary Acuzar ang housing site sa Parola, Tondo, kasama ang mga opisyal ng Pag-IBIG at Social Housing Finance Corporation, tila ipinapakita ng administrasyon na seryoso ito sa adhikain. Sana’y hindi ito panandaliang sigla kundi patuloy na pagkilos.
Ang 4PH ay hindi lamang proyekto ng gobyerno—ito ay pag-asang muling binubuo para sa mga pamilyang matagal nang nawalan nito. Ang tahanan ay karapatang pantao.
At kung tunay na isusulong ito nang may malasakit, kahusayan, at pananagutan, marahil ay makikita natin ang isang Pilipinas na hindi lamang nakatayo sa mga gusali, kundi sa pagkakapantay-pantay ng bawat mamamayan sa pagkakaroon ng sariling tahanan. (Andy Espena)

 

 

Spread the love

BIGAS NA P29, MAS PINALAWAK SA KADIWA

IWAS-IWASAN ANG DRAMA SA KAMPANYA, LINGKOD BAYAN KAYO HINDI ARTISTA!