sa Magkahiwalay na Buy-Bust sa Sta. Cruz, Laguna
STA. CRUZ, LAGUNA — Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa iligal na droga matapos masamsam ng Sta. Cruz Municipal Police Station (MPS) ang humigit-kumulang ₱598,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation nitong Agosto 6, 2025. Kinilala ni Laguna Police Provincial Director PCOL Jonar R. Yupio ang mga suspek na sina alyas Niño, residente ng Sta. Cruz, Laguna, at alyas Jane, kabilang sa listahan ng High Value Individuals (HVI) na nakatira sa Bay, Laguna.
Unang naaresto si alyas Niño dakong alas-5:15 ng umaga sa Brgy. Bubukal matapos makumpiskahan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 36 gramo at tinatayang halaga na ₱244,800. Samantala, bandang alas-9:15 ng umaga sa Brgy. Duhat, nasakote si alyas Jane na nakuhaan ng pitong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 52 gramo at nagkakahalaga ng ₱353,600. Kapwa nakuha sa kanila ang buy-bust money at iba pang gamit.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinuri naman ni PCOL Yupio ang Sta. Cruz MPS sa matagumpay na operasyon at sa patuloy na kampanya laban sa iligal na droga. (Latigo Reportorial Team)




