PAREKOY, napapansin mo ba kung gaano na kadali ngayon ang magsugal gamit lang ang cellphone? Aba’y kahit nasa kwarto ka lang, pwedeng-pwede ka nang tumaya. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit dumadami ang naaadik, pati na mga menor de edad. Kaya heto na si Senador Win Gatchalian — todo-tutok at tila galit na sa sistemang sobrang luwag.
Sabi nga niya sa isang presscon, oras na raw para higpitan ang mga patakaran sa online gambling, lalo na sa mga gaya ng Scatter na patok daw sa mga kababayan nating sabik tumaya. Ang panukala? Gawing ₱10,000 ang minimum na pusta at ₱5,000 ang minimum top-up. Naku parekoy, ‘di biro ‘yan — para na lang talaga sa may kakayahan. Malabo na makalusot ang mga estudyanteng ginagawang pangload lang ang pera ng magulang.
Ang siste kasi ngayon, kahit ₱20 lang, makakapasok ka na sa mga sugalan online. Kaya’t ayun, maski bata, natututo na ring mangarap sa “easy money.” Pero sa totoo lang, mas marami pa ang nauuwi sa utang, hiwalayan, at krimen. Oo, parekoy, may mga ulat na raw na ang sugal online ay dahilan ng wasak na pamilya at pagkakabaon sa utang.
Plano rin ni Gatchalian na ipagbawal na ang paggamit ng mga e-wallet tulad ng GCash sa mga transaksyong may kinalaman sa sugal. Kung tutuusin, ito nga ang ginagawang daan ng karamihan para makalusot sa mga regulasyon. At heto pa, gusto rin niyang itaas ang legal age ng mga pwedeng magsugal online — mula 18 ay gawing 21. Aba’y mas maigi nga siguro, para hindi makapasok agad ang kabataan sa mundo ng tukso.
PAREKOY, sa panahon ngayon, hindi na sapat ang paalala lang. Kailangan ng aksyon, batas, at disiplina. Sa laki ng epekto ng online gambling, lalo na sa maseselang bahagi ng lipunan gaya ng mga kabataan at pamilyang salat na nga sa yaman, sugat pa ang natatamo sa puso at bulsa.
Kung tuloy-tuloy ang pag-usad ng mga mungkahing ito, baka sakaling mabawasan ang sakit ng ulo ng mga magulang, at mabawasan ang mga kabataang napapariwara. Suporta na lang ang kulang, parekoy — mula sa gobyerno, komunidad, at siyempre, sa atin ding mga sarili.. (DJ Gealone)




