MANILA – Kinumpirma ng Malacañang nitong Sabado na nagbitiw na sa kanyang tungkulin si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Sa isang text message, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nagsumite na ng kanyang resignation letter si Santiago, ngunit hindi nagbigay ng detalye kung ano ang dahilan ng kanyang pagbibitiw.
“Wala pa pong komento mula sa Pangulo (President Ferdinand R. Marcos Jr.) sa ngayon,” ani Castro.
Sa kanyang liham na may petsang Agosto 15, 2025 at inihain sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Berasmin, inihayag ni Santiago ang kanyang “irrevocable resignation” na magiging epektibo agad kapag nakapagtalaga na ng kanyang kapalit.
Binigyang-diin din niya na may mga “detractors at may masasamang interes” na patuloy umanong sumisira sa kanyang pangalan habang siya ay nasa puwesto.
Itinalaga si Santiago bilang pinuno ng NBI noong Hunyo 2024 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos. Noong Mayo 2025, una na siyang nagsumite ng courtesy resignation alinsunod sa direktiba ng Pangulo na magbitiw ang mga pinuno ng ahensya bilang bahagi ng reporma sa pamahalaan.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa tinatanggap ni Pangulong Marcos ang kanyang pagbibitiw. (Grace Batuigas)




