MANILA – Muling nabubuhay ang usapin ng pork barrel politics sa bansa matapos ibunyag ni Senador Erwin Tulfo na nananatili itong nakabaon sa proseso ng pambansang badyet partikular sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa panayam ng ANC diretsahang sinabi ni Tulfo na may mga mambabatas na naglalagay ng bilyon-bilyong piso sa pondo ng DPWH nang hindi nalalaman ng Pangulo. Ang isyu ay lalo pang umigting matapos mapansin ang umano’y pagtaas ng alokasyon ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co mula PHP519 milyon noong 2022 tungo sa halos PHP7 bilyon sa 2025 National Expenditure Program (NEP).
“Kaya nga, that’s the problem. Hindi mo talaga makikita ‘yun because aakalain mo na DPWH lang ang gumawa ng budget na ‘yun and I’m very sure 100 percent hindi alam ng Pangulo ‘yun kasi ibibigay lang sa kanya ang NEP,” ani Tulfo.
Sa halip na magbago matapos ang eskandalo sa pork barrel scam mahigit isang dekada na ang nakalipas iginiit ng senador na tila nagpatuloy lamang ang parehong sistema. Ani niya “In short, it’s pork barrel… pinaganda lang nila pero it’s still pork barrel.”
Hindi rin nakaligtas ang mga district engineer sa presyur ng mga pulitiko ayon pa kay Tulfo. Kapag hindi sila sumunod sa kagustuhan ng mga mambabatas maaari silang matanggal sa puwesto. Ang mas masaklap dagdag pa ng senador nagiging parang “proponents” ang mga pulitiko na sila mismo ang pumipili ng kontratista.
Sa ganitong kalakaran malinaw na hindi lubos na naputol ang ugat ng pork barrel. Bagkus tila mas napino pa ang estilo ng paglalagay ng pondo sa likod ng NEP malayo sa tunay na proseso ng deliberasyon.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee inamin ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na may tinatawag na “leadership fund” na nakapaloob sa NEP para tugunan ang mga kahilingan ng ilang mambabatas. Ngunit mariing tinutulan ito ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na siyang namumuno sa komite. Giit niya kung may insertions man dapat itong gawin sa mismong deliberasyon ng badyet at hindi bago pa man iharap ang NEP.
Sa huli malinaw ang panawagan ni Tulfo kailangan ng tunay na reporma. Ang mga proyekto ay dapat manggaling lamang sa DPWH Secretary at hindi sa mga mambabatas na may kani-kaniyang interes.
Kung hindi ito matitigil mananatiling isang multo ang pork barrel na paulit-ulit na bumabalot sa ating pambansang badyet isang multong matagal nang sinumpa ng bayan ngunit hanggang ngayon ay patuloy na nakikiupo sa mesa ng kapangyarihan.. (Grace Batuigas)




