LUNGSOD NG PASIG — Sa panahon ng kampanya, lantaran ang palitan ng mga pangako, programa, at madalas—mga biro. Ngunit ang biro ni Atty. Christian Sia, kandidato sa pagka-kongresista ng Pasig, ay hindi basta patawa. Isa itong insulto, hindi lamang sa mga solo parent kundi sa mismong dignidad ng bawat Pilipinong nagsusumikap sa kabila ng hirap ng buhay.
Sa isang viral na video, binanggit ni Sia na maaari siyang “sipingan ng mga single mother” sa loob ng isang taon. Hindi ito biro na dapat palampasin, lalong-lalo na para sa isang taong nag-aasam ng puwesto sa Kongreso. Sa likod ng kanyang mapang-abusong pagpapatawa ay ang malinaw na pagmamaliit at panlalait sa isang sektor na matagal nang inaapi, binabalewala, at pinagtatawanan—ang mga ina na mag-isang itinaguyod ang kanilang pamilya.
Tama si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanyang pahayag, ang mga solo parent ay mga tunay na bayani. Hindi biro ang magtaguyod ng anak nang mag-isa. Hindi ito dapat gawing biro. At lalong hindi ito dapat nagmumula sa isang taong nagnanais umupo sa isang posisyong may kapangyarihang gumawa ng batas at magtakda ng polisiya.
Ang respeto at dignidad ay mahalagang prinsipyo sa pamumuno. Walang lugar sa pamahalaan ang isang kandidatong hindi marunong gumalang, lalong-lalo na sa kababaihan—at ito’y sa panahong katatapos lang ng International Women’s Month.
Hindi sapat ang pagpapatawa para makuha ang boto. Hindi dapat isinasama sa inyong mga punchline at biro ang kahit sinomang nasa mga sektor na dapat binibigyang-pansin at pinangangalagaan. Ang eleksyon ay hindi entablado ng komedya; ito’y arena ng matino, may integridad, at may malasakit na pamumuno.
Sa huli, ang ganitong asal ay patunay na hindi lahat ng may talino at titulo ay may respeto sa kapwa. At sa darating na halalan, ang tunay na kapangyarihan ay nasa mamamayan—upang iwasto ang mali, upang itakwil ang mapagmataas, at upang pumili ng pinunong may dangal, hindi bastos.
HINDI ITO NAKAKATAWA! (DJ Gealone)
