MGA NEGOSYANTENG BULAKENYO, PINARANGALAN SA MOBB 2025 AWARDS NIGHT

HIYAS CONVENTION, MALOLOS CITY — LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala ang mga natatanging negosyanteng Bulakenyo sa ginanap na Most Outstanding Bulacan Businessmen (MOBB) 2025 Awards Night noong Hunyo 21 sa The Pavilion ng Hiyas ng Bulacan Convention Center. Ang prestihiyosong okasyon ay inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Binigyang parangal ang mga negosyanteng hindi lamang nagpakita ng husay sa kanilang larangan kundi nag-ambag din ng makabuluhang tulong sa paglago ng ekonomiya ng lalawigan. Dinaluhan ang okasyon ni Senator-elect Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na nagpahayag ng papuri sa mga pinarangalan at sa mga bumubuo ng programa dahil sa kanilang pagtutulungan upang paunlarin ang lokal na negosyo at magtaguyod ng inobasyon sa gitna ng makabagong panahon.

Isa sa mga tampok sa gabi ng pagkilala ay ang paggawad ng karangalang Most Outstanding Bulacan Businessmen kina Ernesto S. Vergel De Dios, tagapagtatag ng Big E Food Corporation na siyang gumagawa ng kilalang Lemon Square snack; Toni Paulo A. Valenton ng Power Fill Group of Companies na nagsimula sa isang maliit na gasolinahan sa Malolos at ngayo’y may mga sangay at refinery sa Quezon at Cebu; Francis C. Bajet ng Bajet-Castillo Group of Companies na kinilala sa kanyang pamumuno at pagtulong sa komunidad; at ang N.B. Vinta Construction Corporation na pinarangalan para sa kahusayan sa konstruksyon at mga makataong polisiya sa paggawa.

Binigyang-pagkilala rin ang mga Most Promising Entrepreneurs tulad nina Richard Nixon C. Gomez ng Bauertek Pharmaceutical Technologies Corp. na nanguna sa paggawa ng mga bagong gamot para sa mga sakit na dating walang lunas, at Heidie Ricca C. Del Rosario ng HTP Clothing Corp. na nanguna sa paggawa ng personal protective equipment (PPE) noong kasagsagan ng pandemya.

Sa parehong gabi, isinagawa rin ang panunumpa ng bagong halal na mga miyembro ng BCCI Board of Trustees na nangakong patuloy na isusulong ang etikal na pamamalakad sa negosyo at palalakasin pa ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at sa mamamayan.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Gob. Daniel R. Fernando na ang mga pinarangalan ay sumasalamin sa katatagan, sipag, at pag-asa ng mga Bulakenyo. Aniya, ang kanilang mga negosyo ay hindi lamang pinagkukunan ng kabuhayan kundi nagsisilbi ring haligi ng pag-unlad ng kanilang komunidad. “Hindi lamang kayo mga negosyante, kayo ay tagapagdaloy ng pag-asa, tagapagtataguyod ng komunidad, at katuwang ng pamahalaan sa tunay na kaunlaran,” ani Fernando.

Sa pagtatapos ng gabi, buo ang hangaring mas lalo pang pagtibayin ang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor upang sabay-sabay na itaguyod ang isang mas masigla, makabago, at makataong ekonomiya para sa Bulacan. (Latigo Reportorial Team)

SEN. MARCOLETA, DUMALO SA SENATE ORIENTATION

MAYOR RANDY SALAMAT, PMAJ MOJICA AT PULITIKO PADRINO SA SUGAL NA SAKLA!

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"