MGA KORAP DAPAT MAKULONG!

Nakakagalit na talaga. Hindi na ito biro, sobra na!

Sa mga naglabasang mga anomalya sa mga proyekto ng DPWH, ilang kongresista, pulitiko, at pati mga kontraktor na kasabwat sa kawalanghiyaan. Yung perang dapat napupunta sa matino at de-kalidad na serbisyo, nilalagay sa bulsa ng iilan. Hindi ito basta pagkukulang, garapalan itong pagnanakaw. Bilyon-bilyong piso ang nawawala, at kung tutuusin, trilyon-trilyon na ang pinsala sa bayan — mga ospital na kulang, kalsadang sirang-sira, proyektong patuloy nating binabayaran kahit wala namang napapala.

Tapos ano? Maghihintay tayo ng hearing na puro satsat? Magti-tweet lang tayo ng galit? Hindi puwede. Ang kailangan ay malinaw at mabilis na aksyon. Imbestigahan, litisin, at ipakulong ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan. Hindi lang mga opisyal ng gobyerno kundi pati ang mga kontraktor na kumikita habang nilulubog tayo sa utang at trapik. Tigilan na ang mga palusot at koneksyon para makatakas.

Kailangan ding ipakita ng mga nasa hustisya na seryoso sila. Ombudsman, COA, korte — dapat lahat nagtutulungan para ipakitang walang sagrado pag pera ng bayan ang pinag-uusapan. At huwag nang itago kung sino ang sangkot. Ilabas ang pangalan, ang halaga, pati ang proyektong pinaglulustayan para alam ng taong-bayan kung kanino dapat maningil.

Hindi tayo uusad kung palagi na lang may nakakalusot. Habang malaya ang mga mandarambong at kontraktor na kakutsaba nila, tayo ang nagbabayad — sa buwis, sa trapik, sa baha, sa mabagal na serbisyo.

Sobra na talaga. Ang magnanakaw sa kaban ng bayan — pulitiko man o kontraktor — dapat makulong, dapat maparusahan. Tama na ang pangloloko, panahon na para ipakita na hindi na tayo papayag na gawing basurahan ang kaban ng bayan. (Mario Batuigas)

Spread the love

LATIGO 15-21, 2025 ISSUE

KOMISYON LABAN SA ANOMALYA

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"