BATANGAS — Sa kabila ng mga ulat at reklamo mula sa mga mamamayan, nananatiling tahimik at walang konkretong aksyon umano sina Batangas Provincial Director PCOL Jacinto Malinao Jr. at CIDG Laguna Provincial Field Unit Chief PLTCOL Jake Barila sa isyu ng talamak na illegal gambling sa lalawigan ng Batangas.
Ayon sa mga concerned citizens, matagal nang problema ang mga iligal na pasugalan sa mga barangay tulad ng Brgy. Banaba, San Pascual, kung saan aktibo umanong nag-o-operate si Tessie Korea; sa Buhay na Sapa, San Juan sa ilalim ni Jovelle; maging sa mga barangay ng Lanatan, Balayan at Tambo, Lipa City.
Sa halip na masugpo, lalo pa umanong lumalawak ang mga pasugalan sa mga lugar tulad ng Brgy. Calicanto at Kumintang Ibaba sa Batangas City, na pinaniniwalaang may basbas ng ilang tiwaling opisyal. Iniuugnay sa mga iligal na aktibidad ang umano’y lingguhang “koleksyon” ng payola ng isang nagngangalang Alyas Alex, na sinasabing bagman nina PCOL Malinao at PLTCOL Barila.
Ayon sa mga ulat, “triple sa triple” ang hinihinging halaga ni Alyas Alex sa mga gambling operators kapalit ng proteksyon. Sa kabila ng mabigat na obligasyong pinansyal, patuloy pa rin ang operasyon ng mga sugalan dahil sa takot na mawala ang “backing” mula sa matataas na opisyal ng PNP.
Mas lumalalim din ang problema sa presensya ng mga tinaguriang “Big 4”, na kinabibilangan nina Alyas Ana Tomboy, Alyas Gary ng Brgy. Sampaguita, Alyas Kap Ronald ng Brgy. Sabang, at Alyas Kap Randy ng Brgy. Sulok. Kabilang din sina Icaro G. at Macoy ng Poblacion sa mga aktibong nagpapatakbo ng mga saklaan at bookies sa probinsya.
Sa harap ng lumalalang sitwasyon, muling nananawagan ang mga Batangueño sa tanggapan nina PCOL Malinao at PLTCOL Barila na agarang kumilos upang buwagin ang mga sugalang sumisira sa kabuhayan at kinabukasan ng mamamayan.
“Hindi kami bulag, hindi kami bingi, at lalong hindi kami pipi. Kung hindi kikilos ang pamahalaan at kapulisan, kami na ang gagawa ng paraan,” pahayag ng isang kapitana mula sa San Juan na tumangging pangalanan sa takot sa ganti.
Hanggang sa ngayon ay walang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo nina PCOL Malinao at PLTCOL Barila hinggil sa mga paratang.
Tila lalong lumalalim ang hinala ng publiko sa kanilang pananahimik.
Kung hindi kikilos ang mga kinauukulan, lalong lalaki ang panawagan para sa imbestigasyon at posibleng pagsibak sa puwesto ng mga nasasangkot.
Abangan ang susunod naming ulat — patuloy ang pagtutok sa mga bagong pangalan, bagong lokasyon, at mas matitinding ebidensya.
Hindi kami titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa Batangas.(Latigo Reportorial Team)
