MGA ENDORSER NG ONLINE GAMBLING, DAPAT DIN PARUSAHAN AT IPAGBAWAL!

Hindi na bago sa ating bansa ang problema sa sugal—mula sabungan hanggang sa makabagong anyo nito sa internet, mas kilala bilang online gambling. Pero habang patuloy ang pagdami ng mga nabibiktima ng sugal online, tila mas lumalala rin ang kalakaran dahil mismong mga iniidolo ng taumbayan ang nag-eendorso ng mga ito.

Playtime PH, BingoPlus, Casino Plus, OKBet, Juan 365, Bet88, Buenas PH, Gamezone—ilan lamang ito sa mga online gambling platforms na aktibong nagpapalaganap ng kultura ng sugal sa bansa. Ang masaklap, hindi lang ito basta negosyo. Ito ay negosyong sumisira ng buhay. Maraming pamilyang Pilipino ang nalulugmok sa utang, nawawalan ng direksyon, at nalululong sa sugal dahil sa mga ads at promos ng mga paborito nilang artista.

Ilan sa mga kilalang personalidad na hayagang nag-eendorso ng mga nabanggit na plataporma ay sina Vic Sotto para sa Playtime PH; Luis Manzano, Maine Mendoza, Piolo Pascual, Kim Chiu, at Alden Richards para sa BingoPlus; Vice Ganda para sa Gamezone; Dennis Trillo, Loisa Andalio, David Licauco, at James Reid para sa Juan 365; Ivana Alawi para sa Bet 88; at Boss Toyo para sa Buenas PH.

Kung si Meta (Facebook) nga, nagawang i-take down ang mga accounts ng social media influencer tulad nina Sachzna Laparan, Boy Tapang, Mark Anthony Fernandez at Kuya Lex TV dahil sa promosyon ng illegal gambling, bakit hindi ito magawa sa mainstream celebrities?

Tila may pagkukulang ang PAGCOR sa bagay na ito. Dahil ba sa laki ng buwis na nakokolekta nila mula sa mga sugalang ito? Pero hanggang kailan tayo palulugmok sa kita na nagmumula sa pagkawasak ng kabuhayan at kinabukasan ng ating mamamayan?

Dito dapat pumasok ang Kongreso at Senado. Huwag na nating asahan ang mga ahensyang abala sa pagkalkula ng kita. Dapat nang maisabatas ang pagbabawal sa mga celebrity at influencer na tumatanggap ng endorsement mula sa mga online gambling platform. Hindi ito simpleng isyu ng “trabaho lang” o “raket lang”—ito ay responsibilidad bilang isang public figure.

Kung ang CICC at Digital Pinoys ay seryoso sa kanilang kampanya laban sa illegal online gambling, dapat ay isunod na rin nila ang mga kilalang personalidad na ito sa kanilang blacklist. Hindi dahil artista sila ay ligtas na sila sa pananagutan.

Hindi natin pwedeng pabayaan na ma-normalize ang sugal dahil lang ito’y pinopromote ng mga idolo natin. Ang tunay na tagapagtanggol ng mamamayan ay yung handang magsabi ng “hindi” sa perang galing sa sugal—anumang anyo nito.

Panahon na para managot ang mga endorser ng online gambling.

Hindi lang ito laban ng gobyerno, ito ay laban ng bawat pamilyang Pilipinong gustong makalaya sa lason ng sugal. (DJ Gealone)

BALASAHAN SA PNP

MILYONG SEEDLINGS NG MGA PUNO,NAITANIM NA SA ILANG LUGAR SA PILIPINAS.

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"