MGA BUTO NG TAO SA TAAL LAKE

Bok, alam mo ba ‘yung kasabihang “lilitaw at lilitaw din ang katotohanan”? Eh mukhang ‘yan ang unti-unting nangyayari ngayon sa kaso ng mga nawawalang sabungero. Sa tagal ng pananahimik, heto’t muling nabuhay ang interes ng publiko matapos matagpuan ang ilang buto sa Taal Lake—at anim sa mga ito, posibleng buto ng tao.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ng PNP Forensic Group na sa 91 piraso ng butong nakuha mula sa limang sako, anim ang “positive” na maaaring mula sa tao. Sa dami ng ispekulasyon at kaba ng mga pamilya ng nawawala, kahit paano ay tila may sinag ng pag-asa na muling mabuksan ang imbestigasyon at, sana, ay makamit ang hustisya.

Ang tanong, bok, gaano na nga ba tayo kalayo sa katotohanan?

Ayon kay Lt. Col. Edmar Dela Torre, matinding hamon ang pagproseso sa mga buto—lalo’t galing sa ilalim ng tubig. May DNA profiling nang ginagawa at kino-crossmatch ito sa 18 DNA profiles mula sa mga kaanak ng nawawala. Hindi biro ‘to, bok. Mabigat sa loob at mahirap sa proseso.

Pero ang mas mabigat pa rito ay ang patuloy na pagtanggi ng ilang personalidad na itinuturo ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan. Isa na riyan si retired Police Lt. Gen. Jonnel Estomo. Matigas ang kanyang paninindigan—wala raw siyang kinalaman at handa siyang sagutin ang anumang paratang. Legal daw ang laban niya, at umaasa siya sa patas na hustisya.

Eto pa, bok—hindi lang si Estomo ang tinuturo ni Patidongan. Pati diumano’y mga miyembro ng tinatawag na “Alpha Group” at si Charlie “Atong” Ang, na matagal nang kontrobersyal, nadawit rin. Pero syempre, gaya ng inaasahan, dine-deny rin nila ang mga paratang.

Minsan mapapaisip ka, bok: sino ba talaga ang dapat paniwalaan? Ang whistleblower na parang may alam sa galaw sa likod ng kurtina, o ang mga taong may mataas na posisyon na nagsasabing sila’y inosente?

Pero higit sa lahat, ang mahalaga rito ay ang boses ng mga naiwan—ang mga pamilya ng nawawalang sabungero. Hanggang ngayon, wala pa rin silang kasiguraduhan, wala pa ring katahimikan. Para sa kanila, hindi ito basta buto lang. Bawat piraso ay posibleng bahagi ng mahal nila sa buhay.

Kaya sana, bok, hindi ito mauwi sa isa na namang kasong pinabayaan. Sana, ang mga butong ito ay maging simula ng paglilitaw ng buong katotohanan. Dahil sa dulo ng lahat, hindi chismis o paratang ang dapat maghari—kundi ang hustisya.

Hanggang sa muli, bok. Manatiling mapanuri. (Andy Espena)

BAGYO SEASON NA NAMAN, BILLION FLOOD CONTROL BUDGET NASAAN NA?

KAMPO NI VP SARA, NAGHAIN NA NG SAGOT SA IMPEACHMENT COURT

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"