SENADO – Sa isinagawang pagdinig ng Committee on Games and Amusement hinggil sa lumalalang problema ng online gambling sa bansa, ibinunyag ni Senador Rodante Marcoleta ang kanyang pagkabahala sa paggamit ng mga kumpanya ng sugal online ng mga kilalang personalidad upang higit pang palawakin ang kanilang impluwensiya.
Ayon sa senador, malaki ang epekto ng pag-eendorso ng mga sikat na tao sa pagdami ng naaakit na sumubok sa online gambling. “Kaya lumalaki po, gumagamit po sila ng ganoong klaseng mga sikat na tao, alam ko po malaking pag-uusap ito,” ani Marcoleta.
Kamakailan, isang malaking concert na inorganisa ng GameZone, isang online casino platform na pag-aari ng DigiPlus, ang umani ng atensyon matapos madawit ang pangalan ng senador sa birong ginawa ng isang artista—na siya ring endorser ng naturang online platform.
Dahil dito, hinimok ni Sen. Marcoleta ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isumite sa komite ang listahan at detalye ng mga may-ari ng malalaking kumpanya ng online gambling upang masuri at mabigyang-linaw ang operasyon ng mga ito sa bansa. (Latigo Reportorial Team)




