Ka-Latigo, tila hindi pa rin nawawala ang tikas at tapang ni Mayor Isko Moreno matapos niyang muling maupo bilang ama ng lungsod ng Maynila. Sa totoo lang, hindi pa man lumilipas ang unang araw ng kanyang panunungkulan, todo-aksyon na agad si Yorme. Sa unang gabing iyon, hindi raw siya natulog—hindi dahil sa jetlag kundi dahil sa dami ng kailangang linisin. Mga bangketa, kanal, at kalsadang tila pinabayaan, agad niyang binaklas sa dumi’t gulo. Para bang sinasabing, “Aba, balik na si Yorme, balik din ang kaayusan!”
Hindi lang linis ang inuna, Ka-Latigo. Aba’y dalawampung (20) executive orders agad ang pinirmahan ni Mayor Isko sa unang araw pa lang! Kung hindi ba naman seryoso sa trabaho ‘yan. Unang utos niya, dapat ang mga empleyado ng City Hall ay maging huwaran sa good manners and right conduct. Parang sinasabi niya, “Disiplina muna bago serbisyo.” Pangalawa, ibinalik niya ang curfew para sa mga menor de edad, mula 10 ng gabi hanggang 4 ng madaling araw. Para ito sa kaligtasan, ‘ika nga niya. Pangatlo, inatasan niya ang mga barangay officials na magsagawa ng regular na clean-up tuwing Sabado. ‘Yung tipong sabayang linis, sabayang disiplina. Pang-apat, pinatupad niya ang regulasyon kontra sa modified mufflers na maingay sa gabi. At syempre, hindi rin niya pinalampas ang gulo ng mga spaghetti wires ng telcos—kailangang ayusin!
Pero Ka-Latigo, kung akala mong hanggang linis lang ang usapan, teka lang—eto na ang pasabog.
Sa kanyang Inaugural State of the City Address, binunyag ni Mayor Isko ang umano’y kahina-hinalang bilyong pisong cash advance ng ilang empleyado ng City Hall noong 2024. Oo, Ka-Latigo, bilyon! Hindi lang milyon. Pinangalanan pa niya si Atty. Marlon Lacson na sinasabing “summa cum laude” sa pagkuha ng cash advance—₱1.161 bilyon mula Setyembre 2024 hanggang Pebrero 2025. Grabe, parang pambayad na ‘yan sa kalahating siyudad!
Tanong tuloy ni Yorme, “Ano namang ginawa n’yo sa Maynila? Wala na ba kayong konsensya?” Hindi rin malinaw kung saan ginamit ang perang ‘yon kaya’t tiniyak niya na bubusisiin ito at pananagutin kung sino man ang may sala. “Hindi natin ito palalagpasin,” aniya. At dito natin makikita—hindi lang paglilinis ng kalsada ang kayang gawin ng isang Isko, kundi pati paglilinis sa pamahalaan.
Ka-Latigo, mukhang balik-eksena na talaga si Mayor Isko—at hindi lang basta eksena, kundi isang matapang na eksenang puno ng aksyon, linis, at paghahayag ng katotohanan. Sa panibagong kabanata ng kanyang liderato, ang tanong: Maynila, handa ka na ba uli sa ‘di natutulog na Yorme? (Mario Batuigas)




