STA. MARIA, BULACAN – Ang pinakabatang kandidato para sa pagka-kongresista sa Ikaanim na distrito ng Bulacan, na kilala bilang “Mr. Trabaho,” si Jad Racal, ay nagpaabot ng kanyang pangako na magbibigay ng pangmatagalang solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho sa nasabing distrito.
Sa eksklusibong panayam, inilahad ni Racal ang kanyang hangarin na magpatupad ng mga sustainable na proyekto at programa para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan. Tinalakay niya ang kanyang layunin na iwasan ang mga “cold practices” o mga pansamantalang ayuda at sa halip ay magbigay ng pangmatagalang tulong sa pamamagitan ng trabaho.
“Ayaw natin ng mga cold practices na puro ayuda. Gusto namin ibigay sa tao ay pangmatagalan,” ani Jad Racal.
Isa sa mga pangunahing plano ni Racal ay ang paglikha ng 20,000 trabaho sa distrito. Ayon sa kanya, katuwang ang kanilang pamilya, magtatayo sila ng 80 warehouses at halos 100 manufacturing companies sa San Rafael, Bulacan, sa loob ng 120 ektaryang lupain.
“Target talaga namin ay 15,000 – 20,000 employment from our end. Kasi nag-invest kami diyan sa San Rafael ng 120 hectares, kung saan 80 warehouses ang tatayo at almost 100 manufacturing companies ang maaari nating i-provide diyan. Doon natin maa-achieve yung 20,000 na trabaho,” pagmamalaki ni Racal.
Bukod dito, ipinahayag din niya ang adhikain na gawing mas maunlad ang Ikaanim na distrito sa pamamagitan ng paghikayat sa mga investors na maglagak ng negosyo sa lugar.
“Lumaki tayo sa pagpapatakbo ng negosyo. I planned to make our district more develop.
So, I will invite more people or more investors to come here, para hindi lang ako ang makakapagbigay ng trabaho. Mas marami ang pumunta dito, mas gaganda ang lugar namin, mas maraming trabaho ang mabibigay. Doon magsisimula ang pag-unlad ng District 6,” dagdag pa ni Racal.
Sa kabila ng mga usap-usapang diskwalipikasyon na ibinabato sa kanya, nagpapasalamat pa rin si Racal sa kanyang mga taga-suporta at patuloy na hinihikayat ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang laban.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng sumusuporta sa akin, kahit maraming nagsasabing disqualified ako. Basta kahit anong mangyari, ITULOY lang natin ang laban hanggang huli dahil para naman sa tao iyan. Maraming salamat sa lahat ng sumusuporta sa akin,” ani Racal.
Buong tiwala at dedikasyon ang baon ni Jad Racal sa kanyang laban, bitbit ang pangako ng trabaho at kaunlaran para sa Ikaanim na distrito ng Bulacan.
(Latigo Reportorial Team)
