Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tinuturing niyang tagumpay ng administrasyon at ang mga susunod na hakbang sa nalalabing panahon ng kanyang panunungkulan. Isa itong ulat na puno ng pangakong kaaya-aya sa pandinig, ngunit gaya ng nakagawian nating mga mamamayan, ang pinakamahalagang tanong ay ito: “Ramdam ba natin ito?”
Isa sa mga pinakaabangang pahayag ng Pangulo ay ang pagtupad sa matagal nang ipinangakong ₱20 kada kilong bigas. Ayon sa kanya, matagumpay na itong naipatupad sa mga KADIWA centers sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Bagama’t magandang pakinggan ito, hindi maiiwasang itanong kung sapat ba ang suplay, abot-kamay ba ito ng bawat pamilya, at higit sa lahat, hindi ba nalulugi ang ating mga magsasaka?
Sa usapin naman ng kuryente, pinalawak umano ng pamahalaan ang saklaw ng tinatawag na lifeline rate upang makinabang ang mas maraming pamilyang mababa ang kita. Isinulong din ang Net Metering Program na layong hikayatin ang paggamit ng renewable energy. Magandang layunin ito, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng kuryente. Gayunman, marami pa ring lugar sa bansa ang nakararanas ng hindi maaasahang serbisyo, kaya’t kailangang sabayan ito ng konkretong aksyon sa pagpapaunlad ng imprastruktura.
Isang malaking anunsyo rin ang tinawag na zero-balance billing sa mga ospital ng Department of Health. Ayon sa Pangulo, hindi na kailangang magbayad ng pasyente para sa basic accommodation—isang malaking ginhawa kung maisasakatuparan sa buong bansa. Ngunit sa maraming pagkakataon, hindi lang gastos ang problema sa ating sistemang pangkalusugan. Kulang sa gamot, pasilidad, at personnel ang mga pampublikong ospital. Kaya’t ang libreng serbisyo ay dapat may kaakibat na kalidad.
Kinikilala rin ng Pangulo ang sakripisyo ng mga guro at ipinangakong may kaukulang bayad na sa kanilang teaching overload at overtime. Ipinangako rin ang laptop para sa lahat ng pampublikong guro. Isa itong magandang hakbang, ngunit sana’y hindi lamang ito mananatiling numero sa talumpati, kundi maging tunay na benepisyo na mararamdaman sa silid-aralan.
Para sa sektor ng edukasyon, binigyang-diin din ang patuloy na implementasyon ng libreng tertiary education para sa mahigit dalawang milyong estudyante, at ang prayoridad sa mga kabataang mula sa pamilyang kabilang sa 4Ps at Listahanan. Ayon sa Pangulo, mas maraming kolehiyo at unibersidad sa bansa ang kinikilala na ngayon sa pandaigdigang antas—isang patunay ng potensyal ng edukasyong Pilipino kung mabibigyan ng sapat na suporta.
Binigyang-diin din ang usapin ng kakulangan sa tubig. Inutusan ng Pangulo ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na tiyakin ang maayos na serbisyo ng mga water district at pababain ang presyo ng tubig. Isa itong hakbang na huli man ay kailangang asahan ng taumbayan, lalo na’t milyun-milyong Pilipino ang naapektuhan ng palpak na serbisyo.
Sa transportasyon, muling binuhay ang iconic na Love Bus na ngayon ay libreng masasakyan. Kasabay nito ang mga proyektong imprastruktura tulad ng Bataan-Cavite Interlink Bridge, North-South Commuter Railway, at iba pang proyekto sa ilalim ng Build Better More program. Ngunit kung mananatiling sa pilot testing lamang ito at hindi maramdaman ng mas malalayong lalawigan, mananatili itong simbolismo lamang.
Sa larangan ng digital connectivity, target ng administrasyon na makabitan ng internet ang lahat ng pampublikong paaralan bago matapos ang 2025. Iniulat din ang pagdami ng libreng Wi-Fi sites mula 4,000 noong 2022 tungong halos 19,000 ngayong taon. Mahalaga ito upang maisulong ang makabagong edukasyon, ngunit kailangan pa rin ng patuloy na suporta sa mga lugar na walang signal o kuryenteng mapagkukunan.
Tahasang binalaan naman ng Pangulo ang mga tiwaling opisyal at kontratista ng gobyerno. Inutusan niya ang DPWH na magsumite ng listahan ng mga proyekto sa flood control sa nakalipas na tatlong taon, at tiniyak na papanagutin ang mga nagpabaya. Malinaw ang mensahe: hindi palalampasin ang korapsyon. Ngunit kailangang may kasunod itong malinaw na imbestigasyon at pananagutan, hindi lamang matitinding pahayag.
Sa usapin ng seguridad, sinabi ng Pangulo na wala nang natitirang grupong gerilya sa bansa. Isinusulong umano ng pamahalaan ang reintegrasyon ng mga dating rebelde at ang pag-unlad ng kanilang mga komunidad. Mahalaga ito sa pagsusulong ng kapayapaan, ngunit kailangan pa ring masiguro na ito ay isinasagawa nang may malasakit, respeto sa karapatang pantao, at sapat na kabuhayan para sa mga apektado.
Sa larangan ng palakasan, ipinaabot ng Pangulo ang buong suporta ng pamahalaan sa grassroots sports programs, kabilang na ang Palarong Pambansa at Batang Pinoy. Nanawagan din siya para sa mas aktibong pamumuhay ng mga Pilipino bilang tugon sa lumalaking bilang ng overweight na adulto. Hinikayat niya ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng fun runs, Zumba, at iba pang aktibidad sa pampublikong espasyo. Maganda ang hangaring ito, lalo’t kalusugan ang isa sa pundasyon ng maayos na bansa.
Sa kabuuan, ang talumpati ni Pangulong Marcos ay puno ng mabubuting hangarin. Ngunit gaya ng dati, ang tagumpay ng mga pangakong ito ay nakasalalay sa implementasyon, hindi lamang sa talumpati. Ang tunay na SONA ay hindi nasusukat sa dami ng proyekto, kundi sa dami ng Pilipinong tunay na nakikinabang at nababago ang buhay.
Hanggang sa muli, ito po si Buddy. Sa bawat pangakong binitiwan sa entablado ng Kongreso, tayo ang inaasahang maging tagapagbantay, tagapagsuri, at tagapagsulong ng katotohanang nararapat para sa sambayanang Pilipino. (Nik Bendaña)