MANILA — Itinalaga si Senador Rodante Marcoleta bilang bagong tagapangulo ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee, isang mahalagang hakbang sa simula ng kanyang unang termino sa Mataas na Kapulungan.
Sa isinagawang sesyon ng Senado nitong Martes, inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang reorganisasyon ng mga komite at halalan ng mga bagong chairperson. Isa sa mga pangunahing itinalaga ay si Marcoleta, na ngayon ay mamumuno sa Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, mas kilala bilang Blue Ribbon Committee.
Ang nasabing komite ay pangunahing nagsisiyasat sa mga kaso ng katiwalian, kapabayaan, at iba pang iregularidad sa pamahalaan. Saklaw din nito ang mga usapin ng nepotismo at iba pang isyung may kinalaman sa interes ng publiko na maaaring ipaabot ng sinumang senador.
Pinalitan ni Marcoleta si Senadora Pia Cayetano, na pansamantalang humalili kay dating Senador Francis Tolentino sa nasabing komite.
Bukod sa pamumuno sa Blue Ribbon Committee, si Marcoleta rin ay itinalagang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship — isang indikasyon ng mataas na kumpiyansa sa kanyang kakayahang manguna sa pagsisiyasat at paghubog ng mga polisiya para sa reporma at pananagutan sa gobyerno.
Si Marcoleta, na kilala sa kanyang matapang na paninindigan sa mga isyu ng integridad at tamang pamamahala noong siya’y kinatawan sa Kamara, ay inaasahang magiging aktibo sa paglalantad ng mga iregularidad at pagsusulong ng transparency sa pamahalaan.
Samantala, kabilang sa iba pang itinalagang chairperson ay sina Senador Kiko Pangilinan para sa Agriculture, Food, and Agrarian Reform Committee, at Senador Bam Aquino para sa Basic Education Committee. Lahat ng nominasyon ay agad na inaprubahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos walang pagtutol mula sa sinumang senador.
S a ilalim ng pamumuno ni Marcoleta, inaasahan ng publiko ang mas masusing pagbusisi sa mga isyung may kinalaman sa katiwalian at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno. (Latigo Reportorial Team)