May mga balita talaga na kahit paano, nakakapagpagaan ng loob. Isa na rito ang balitang lubos na ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) — ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12177.
Simple lang naman ang essence ng batas na ito: libreng legal assistance para sa mga pulis at sundalo na nasasangkot sa kaso habang ginagawa lang naman nila ang kanilang tungkulin.
Isipin mo ‘yun — sa dami ng panganib at hamon na hinaharap ng ating mga uniformed personnel araw-araw, tapos minsan pa sila ang nadidiin sa kaso kahit ang totoo, trabaho lang naman ang ginagawa nila. Kaya naman hindi kataka-taka na buong puso ang pasasalamat ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa batas na ito. Hindi raw ito basta isang batas; para sa kanya, isa itong moral statement — malinaw na mensahe ng gobyerno na, “Hindi namin kayo iiwan.”
At kung tutuusin, panalo talaga ito para sa mga tapat na lingkod-bayan. Hindi na nila kailangan pang mag-alala kung saan kukuha ng pambayad sa abogado kapag may kasong ikinaso sa kanila habang nagseserbisyo.
Sabi nga ni Marbil, malaking bagay ito para sa moral at dedikasyon ng kanilang hanay.
Gobyerno na ang sasagot sa lahat ng gastos sa legal assistance. Hindi na biro ang mabigat na pinagdadaanan ng mga kapulisan at militar sa araw-araw — mula sa bantang panganib, hanggang sa pressure ng trabaho. Kaya makakagaan sa kanilang kalooban na malaman na may aasahan silang suporta kung sakaling madawit sa mga kasong hindi naman nila kasalanan.
Kaya saludo tayo kay Pangulong Bongbong Marcos at sa lahat ng nagtaguyod sa batas na ito. Sa gitna ng napakaraming isyu sa paligid, nakakatuwa pa ring marinig ang ganitong mga hakbang na tunay na para sa kapakanan ng mga nagtatrabaho para sa kapayapaan at seguridad ng bansa.
Isang maliit pero napakahalagang tagumpay para sa mga tunay na bayaning Pilipino. (Mario Batuigas)
