PUERTO PRINCESA – Matapos madakip ang limang estudyante na sangkot sa pagbebenta ng sigarilyong “tuklaw,” binira ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang masamang epekto ng droga: “Wala pa akong nakitang adik na maganda o gwapo… lahat ng adik pangit!”
Nahuli ang mga estudyante, edad 19 hanggang 25, sa isang buy-bust operation ng Puerto Princesa City Police. Nakuha sa kanila ang tinatawag na black cigarettes na may halong synthetic cannabinoid, na sanhi ng pangingisay ng gumagamit. May nakuha rin umanong marijuana sa mga suspek.
Ang “tuklaw” ay binebenta online ng P300 kada milliliter. Matatandaang nag-viral kamakailan ang ilang kabataan na nangingisay sa gilid ng kalsada matapos umano silang malanghap nito.
Ayon kay Gen. Torre, tututukan ng PNP ang imbestigasyon para maputol ang pinagmumulan ng “tuklaw” at iba pang ilegal na droga. “Walang mabuting idudulot ang bisyo. Tingnan niyo ang mga artista—maganda o gwapo noon, nang malulong sa droga, sirang-sira ang itsura,” dagdag pa ng heneral.
Ngayon, tukoy ng awtoridad ang mga “illicit trading routes” na pinagdadaanan ng naturang kemikal, at target nilang supilin ito bago pa lalo pang kumalat.(MJ Espena)




